2 kamag-anak ng suspek sa pagpatay sa anak ng mayor ng Sara, Iloilo, dinukot
Dalawang lalaki na kamag-anak ng magkapatid na suspek sa pagpatay sa anak ng alkalde ng Sara sa Iloilo ang dinukot ng mga armadong lalaki. Sa ulat ni GMA-Iloilo reporter Jocel Huesca sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabing ang mga dinukot ay kapatid at tiyuhin ng magkapatid na suspek sa pagpatay kay Neptaley Salcedo. Si Neptaley ay binaril at napatay noong Huwebes sa loob ng isang video bar. Ang biktima ay anak ng kasalukuyang alkalde ng bayan ng Sara na si Neptali Salcedo. Tatlo ang itinuturong suspek sa pagpatay sa nakababatang Salcedo. Isa sa mga ito ang nadakip na at nakatakas naman ang dalawa pang suspek na sinasabing magkapatid. Ayon sa ulat, naganap ang pagdukot sa kamag-anak ng mga suspek noong Biyernes. Nasaksihan daw ito ng ina ng mga suspek. Kwento ng ina, ang isa pa niyang anak ang tinangay ng mga armadong lalaki at sapilitang isinama. Sa takot na baka bumalik ang mga armadong lalaki, nagtago muna sila at nagbalik sa kanilang bahay pagkaraan ng dalawang araw. Doon ay nalaman ng ina na maging ang tiyuhin ng suspek ay kinuha rin ng mga armadong lalaki. Nakiusap ang ina na huwag idamay ang iba pa nilang kamag-anak dahil nakikipagtulungan naman siya na mapasuko ang mga anak na sinasabing sangkot sa pagpatay sa anak ng alkalde. Idinagdag sa ulat na sinisikap na makuha ang pahayag ni Mayor Salcedo tungkol sa nangyaring insidente. - FRJ, GMA News