ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

34-anyos na suspek sa rape, nag-alok ng kasal sa 16-anyos na biktima


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa kabila ng pagtanggi na pinilit at ginahasa niya ang biktima, inalok ng isang 34-anyos na lalaki ang 16-anyos na babae na nagreklamo sa kanya ng panggagahasa sa Pangasinan. Sa ulat ni GMA-Dagupan Jett Arcellana sa Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, sinabing naganap umano ang krimen sa mismong bahay ng suspek sa Brgy. Poblacion West sa Dagupan City, Pangasinan. Nakipag-inuman umano ang biktima sa bahay ng suspek noong Linggo at nang malasing ito ay saka pinagsamantalahan. Madaling-araw na ng Lunes nang nakauwi umano ang dalagita sa kanilang bahay. Kaagad namang ikinuwento ng biktima sa kanyang ama ang nangyari kaya nagtungo sila sa himpilan ng pulisya para magreklamo laban sa suspek. Nang ipasuri sa ospital, positibo umanong nagalaw ang biktima. Hinihinala ng pulisya na plinano ng suspek ang krimen. Naaresto na ang suspek pero iginiit niyang hindi niya ginahasa ang biktima. Kasabay ng paghingi ng patawad, nag-alok siya ng kasal sa dalagita. “Kung anuman yung nagawa ko sa kanya mapatawad niya ako. Kung gusto niyang magpakasal kami, magpakasal na lamang kami," pahayag ng suspek na nahaharap sa kasong rape. – FRJ, GMA News