GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Anti-crime committee sa mga paaralan, ipinabubuo ng mambabatas

October 10, 2012 10:26pm
Dahil sa mga insidente ng karahasan sa loob ng paaralan, isang panukalang batas ang inihain sa Kamara de Representantes na naglalayong bumuo ng komite sa mga eskuwelahan na tututok sa kaligtasan ng mga estudyante.

Sa ilalim ng House Bill (HB) No 6479 na inihain ni Aurora Rep. Juan Edgardo Angara, hiniling nito ang pagbuo ng Student Crime Prevention Committee sa lahat ng paaralan sa buong bansa.

Iginiit ng kongresista na maituturing ikalawang tahanan ng mga kabataan ang paaralan kaya dapat matiyak na ligtas sila at nakapag-aaral na mabuti.

Binigyan-diin ni Angara na dapat malaman din ng mga magulang ang sitwasyon ng peace and order sa mga paaralan upang mabigyan sila ng kaalaman at makapamili kung saan nila ipapasok ang kanilang mga anak.

"At the same time, students currently enrolled in their respective universities need to know the measure undertaken by their institution, as well as courses of action in cases of emergency to guarantee security and expedient assistance, if need be," paliwanag ni Angara sa panukala.

Sa ilalim ng panukala, ang crime prevention committee ay maaaring buuin ng vice president for community affairs o pinuno ng tanggapan na namamahala sa seguridad ng paaralan; opisyal ng student affairs; at university student council president o supreme student council president o chairperson.

Kasama rin ang class presidents sa high level at college presidents; corps commander sa ROTC at CAT; pinuno ng campus police o security personnel; at pinuno parent-teachers association o katumbas ng secretary ng university council.

Ayon kay Angara, bukod sa pagbuo ng mga estratihiya na panlaban sa karahasan sa loob ng paaralan, dapat gumawa rin ng ulat ang komite tungkol sa mga patakaran at sistema tungkol sa pagbibigay proteksiyon at mga dapat gawin ng estudyante.

“A statement of current policies concerning security and access to campaign facilities and security considerations used in the maintenance of campus facilities, among others, is also a component of the strategy," paliwanag ni Angara.

Noong nakaraang linggo, isang mag-aaral ng University of Sto Tomas ang malubhang nasugatan matapos saksakin sa loob ng Far Eastern University sa Maynila. - RP/FRJ, GMA News
Go to comments