GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

OIC, nagpahatid ng pagbati sa PHL govt at MILF dahil sa bagong kasunduan

October 12, 2012 11:01am
Nagpahatid ng pagbati ang secretary general ng ma-impluwensiyang Organization of Islamic Cooperation sa gobyerno ng Pilipinas at sa Moro Islamic Liberation Front matapos makabuo ang dalawang grupo ng makasaysayang inisyal na kasunduan para sa kapayapaan sa Mindanao.

Ayon sa isang artikulo sa website ng MILF na luwaran.net nitong Biyernes, nagpahayag umano si OIC Secretary General Akmeleddin Ihsanoglu ng kanyang pagbati para sa magkabilang panig dahil sa pagkabuo ng "Framework Agreement."

"The Secretary General expressed the hope that it will pave the way for a just and lasting peace for the Bangsamoro people, who have suffered too long and endured huge sacrifices. He commended also the indispensible role played by Malaysia as a facilitator of the process," ayon sa artikulo.

Sinabi umano ni Ihsanoglu na mula nang maitatag ang OIC, naging problema na nito ang kaguluhan sa Mindanao. 

Nabanggit din sa artikulo na naging matagumpay naman ang OIC sa pagluwal ng 1976 Tripoli Agreement at ang 1996 Jakarta Final Peace Agreement ng gobyerno ng Pilipinas at ng Moro Nationa Liberation Front (MNLF), na nooy nangunguna sa rebelyon sa Mindanao bago pa man maitatag ang MILF.

"The spokesman disclosed that the OIC received the news with both hope and cautious optimism, hoping that it will constitute a solid foundation for an overall agreement that meets the legitimate aspirations of the Bangsamoro people. The OIC hopes that this will usher in a new phase of consolidating peace and start the long awaited development process of the region," ayon pa sa artikulo.

Dahil sa positibong pahayag ng lider ng OIC ukol sa "Frameork Agreement," kapwa MILF at gobyerno ng Pilipinas ay nagpaabot ng imbitasyon kay Ihsanoglu na dumalo sa pormal na pirmahan ng kasunduan na gagawin sa Malacañang sa darating na Lunes.

Ayon sa luwaran.net, nakatanggap umano sila ng inisyal na impormasyon na kinonokonsidera ng liderato ng OIC na magpadala ng matataas na mga opisyal nito para dumalo sa signing ceremony.

Hinikayat din umano ng lider ng OIC ang MILF at ang MNLF na magkaisa na at gumawa ng iisang panindigan para ganap nang maging mapayapa ang Mindanao, na siya ring inaasam ng mga residente ng rehiyon.

Isa sa mga pobisyon ng inisyal na kasunduan ang pagtatatag ng Bangsamoro Juridical Entity na ipapalit sa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). — LBG, GMA News
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus