ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Arsobispong kritiko ni Arroyo, naniniwalang tunay na may sakit ngayon ang dating pangulo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nanawagan ang isang obispo ng Simbahang Katoliko na ipagdasal ang kalusugan ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo. Ang panawagan ay ginawa ni Malolos Bishop Jose Oliveros isang araw matapos maibalita na may problema sa puso ang dating pangulo. “We are a compassionate people. In spite of all the allegations against her, she has served the country in the way she has seen it fit to govern," ayon sa obispo. Nitong Biyernes nang ihayag ni Dr. Nona Legaspi, pinuno ng Veteran’s Memorial Medical Center (VMMC), na mayroong coronary ischemia si Arroyo — isang kondisyon na nakakaapekto sa daloy ng dugo papunta sa puso. Dahil sa kanyang kalagayan, dinala si Arroyo sa intensive care unit (ICU) ng VMMC kung saan siya pansamantalang nakadetine. Nakararamdam umano ng pananakit ng dibdib si Gng Arroyo na kailangan ng madaliang atensiyon. Ayon kay Oliveros, kailangan ni Arroyo ang panalangin sa panahon ng kanyang kagipitan. “She needs our prayers. May the Lord of mercy, the divine healer, grant her health of soul and body," panalangin ng Obispo. Kaugnay nito, pabor naman si retired Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz na isailalim sa hospital arrest si Arroyo sa halip na house arrest dahil na rin sa kanyang kalagayan. Ayon kay Cruz na kritiko ni Arroyo, naniniwala siya na may sakit ang dating pangulo na nararapat bigyan ng sapat na atensiyong medikal. “I think she needs all the means in the hospital to make her healthy and well again. This time, I think she’s really sick," aniya. Noong nakaraang linggo ay nagpalabas ng arrest warrant ang Sandiganbayan laban kay Arroyo at sa iba pang akusado sa kasong plunder kaugnay sa umano’y maanomalyang paggamit ng intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong 2008 hanggang 2010. Didinggin ng korte sa susunod na linggo ang petisyon ng kampo ni Arroyo na hayaan na lamang manatili sa ospital ang dating pangulo sa halip na ilipat sa regular na kulungan. -- PF/FRJ, GMA News