Hero dog Kabang, possibleng sumailalim sa chemotherapy sa US
Bago tuluyang maayos ang mukha ng tinaguriang hero dog ng Pilipinas na si Kabang, kinakailangan munang gamutin ang iba pa niyang mga sakit. Ayon sa ulat ng 'News to Go' ng GMA News TV nitong Miyerkules, napag-alamang maaaring sumailalim sa chemotherapy si Kabang sa United States dahil sa natagpuang tumor sa kanyang ari. Ayon sa mga duktor na tumitingin kay Kabang, nasa early stage pa lamang ang natagpuang tumor kaya malaki ang tiyansang maagapan ang sakit. Aabot sa anim na buwan ang gamutan, depende raw sa bilis ng paggaling ni Kabang. Maliban sa tumor, may heartworm disease, o sakit dahil sa bulate, si Kabang na kinakailangan ding pagtuunan ng pansin, ayon din sa ulat. Na-deform ang nguso at bibig ni Kabang matapos niyang iligtas ang dalawang bata mula sa pagkabunggo ng rumaragasang motorsiklo sa Zamboanga noong Disyembre 2011. Inilipad si Kabang patungong US matapos makaipon ang Team Kabang sa isang donation drive ng mahigit $20,000 para sa kanyang jaw replacement surgery sa University of California-Davis. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News