Rep. Gloria Arroyo, pinayagang manatili sa ospital pero may kondisyon
Pinayagan ng Sandiganbayan nitong Miyerkules ang petisyon ng kampo ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na manatili ito sa ospital at hindi ilipat sa regular na kulungan. Isinailalim sa hospital arrest si Arroyo dahil sa kinakaharap nitong plunder case kaugnay sa umano’y maanomalyang paggamit sa intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office magmula noong 2008 hanggang 2010. Sa isang panayam, inihayag ng tagapagsalita ng Sandiganbayan na si Renato Bocar, na pinayagan ng anti-graft court si Gng. Arroyo na manatiling naka-confine sa Veteran's Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City habang dinidinig ang kaso niyang plunder. Gayunpaman, mayroong limang kondisyong ipinataw ang graft court para sa hospital arrest ni Arroyo: (1) kinakailangang manatili lamang sa VMMC si Arroyo; (2) mayroong kabuuang kontrol ang Philippine National Police (PNP) sa kanyang mga bisita; (3) ang mga telepono lamang ng Police Security and Protection Group (PSPG) ang maaaring gamitin ni Arroyo; (4) ipinagbabawal ang pagbibigay ng panayam sa media na walang pahintulot o clearance, at (5) ang akusado ang magbabayad sa gastusin ng kanyang confinement at mga gamot. Tungkol sa kahilingan ng kampo ni Arroyo para sa heart examination ng dating pangulo sa Philippine Heart Center, inihayag ng Sandiganbayan na magdedesisyon lamang sila tungkol nito kapag makakuha na ng mas maraming detalye sa kanyang kalagayan. Inihain kay Arroyo ang arrest warrant nitong Oktubre habang naka-confine siya sa VMMC presidential suite dahil sa sakit na dehydration. Sintomas sa sakit na puso Noong Lunes, nabigong dumalo si Gng. Arroyo sa pagdinig ng kasong plunder matapos siyang kakitaan ng sintomas ng ischemia, isang kondsiyon tungkol sa sakit sa puso. Mayroong nakabiting mosyon ang kampo ni Arroyo upang payagan ang dating lider na sumailalim sa isang heart examination sa Heart Center sa Quezon City. Maliban sa posibleng sakit sa puso, mayroon ding bone mineral disorder ang dating Pangulo at sumailalim sa ilang operasyon noong nakaraang taon upang magamot ang kanyang kondisyon. Sa kabila ng kanyang kalagayan, muling tatakbo si Arroyo bilang kongresista ng second district ng Pampanga para sa eleksyon sa susunod na taon. Noong Hulyo, pinayagan ng Pasig Regional Trial Court Branch 112 na magpiyansa si Arroyo para sa hiwalay na electoral sabotage case na inihain ng Commission on Elections laban sa kanya. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News