Party-list group na Aangat Tayo, 'di nakaangat sa Comelec
Diniskuwalipika ng Commission on Elections (Comelec) ang party-list group na Aangat Tayo sa pagsabak sa 2013 elections. Puna ng komisyon, magkasalungat ang sektor na sinasabing kinakatawan ng grupo sa Kamara de Representantes. Nanalo at nakakuha ng isang upuan sa Kamara noong 2010 elections ang Aangat Tayo na sinasabing kumakatawan sa hanay ng “elderly, youth, urban poor at overseas Filipino workers." Kasalukuyang nakaupo sa Kamara bilang kinatawan ng nabanggit na grupo si Daryl Grace Abayon, asawa ni dating Northern Samar Rep. Harlin Abayon. Paliwanag ni Comelec chair Sixto Brillantes Jr. sa mga mamamahayag nitong Biyernes, diniskuwalipika nila ang Aangat Tayo dahil sa "conflicting sectors" ang kinakatawan nito. "While you can have multi-sectoral, they have to be related, not conflicting," ayon sa opisyal. Imposible umanong katawanin ng isang grupo ang magkaibang sektor – ang mga nakatatanda at kasabay nito ay ang mga kabataan. "Sabihin mo women at elderly, pwede siguro. O kaya urban poor at peasants, farmers or fisherfolk. (Pero) how can you represent the elderly and the youth at the same time?" tanong ng opisyal. Dagdag pa niya, hindi rin kabilang sa alinman sektor na nabanggit ang kumakatawan sa grupo sa Kamara na si Gng. Abayon. Sa listahan ng SALN ng mga mambabatas noong 2010, sinabing umabot sa P26 milyon ang ari-arian ni Abayon, isang account; at pang-15 sa pinakamayaman sa mga mambabatas sa nasabing taon. Paliwanag din ni Brillantes, bagaman multi-sectoral din ang kinakatawan ng iba pang grupo gaya ng Bayan Muna at Akbayan, hindi naman sila puwedeng sibakin dahil magkakaugnay ang mga sektor na kanilang kinakatawan. "Multi-sectoral as a factor does not mean that you're disqualified. What is important is that may relationship yung muliti-sectoral na nirerepresent," paliwanag niya. Ilan pa sa mga party-list group na may nakaupong kongresista na diniskuwalipika ng Comelec ay ang Ako Bicol, Ang Galing Pinoy, APEC at 1-CARE. — FRJ, GMA News