GMA News Online
Ulat Filipino
»
Dagupan

2 bata, magkahiwalay na nabundol sa Pozorrubio, Pangasinan; 1 sa kanila, nasawi

October 19, 2012 11:16pm

Tags: Pangasinan
Patay ang isang batang babae nang mabundol ng isang van, habang sugatan ang isa pang bata nang mahagip naman ng isang 10-wheeler truck sa Pozorrubio, Pangasinan.

Sa ulat ni Ronald Umangay ng GMA-Dagupan, sinabing hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktimang si Aizel Esperanza.

Lumitaw sa imbestigasyon, na naglalaro umano ang biktima sa gilid ng National Highway sa Brgy Rosario nitong Huwebes ng gabi nang bigla itong tumawid at mahagip ng van.

Ayon sa driver ng van na si Arthur Sadimiano, sinikap niyang iwasan ang bata pero huli.

Samantala, nahagip naman ng 10-wheeler truck na minamaneho ni Mario Mintar ang isa pang bata na 10-taong-gulang sa Brgy Cablong nitong Huwebes ng hapon.

Depensa ng driver, ang bata mismo ang bumangga sa trak na sugatan nang isugod sa ospital.

Nangako naman ang dalawang driver sa magkahiwalay na insidente na makikipagtulungan sa pamilya ng mga biktima.

Rider ng motorsiklo, patay sa Asingan

Kaugnay nito, nasawi naman ang isang rider ng motorsiklo nang sumalpok sila ng kanyang kasama sa isang poste ng ilaw at nakaparadang pick-up truck sa Poblacion West, Asingan, Pangasinan.

Mabilis umano ang takbo ng motorsiklo na naging dahilan ng pagkasawi ng rider at pagkakasugat naman ng kanyang kaangkas.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na nakainom umano ang mga biktima na galing sa isang kasiyahan. - FRJ, GMA News

Tags: Pangasinan