Roxas, pinangalanan dalawang bagong DILG undersecretary
Pinangalanan na ni Interior Secretary Manuel "Mar" Roxas II nitong Lunes ang dalawang bagong undersecretaries sa kanyang ahensya para sa mga posisyong nabuo lamang sa ilalim ng kanyang pamumuno. Sa isang press briefing, inihayag ni Roxas na ililipat si kasalukuyang Transportation Undersecretary for Operations Rafael Santos sa DILG bilang “supervising undersecretary.” Nakatrabaho ni Santos si Roxas, na dating DOTC chief bago pamunuan ang DILG. Kinumpirma rin niya ang paghirang kay civil society leader Francisco “Bimbo” Fernandez bilang undersecretary na bibigyang pokus ang mga informal settlers at ang mga taong may kapansanan at ang labor sectors. Pinalitan ni Roxas si Jesse Robredo, na pumanaw nang bumagsak ang sinasakyang eroplano sa Masbate noong Agosto. Ayon kay Roxas, naghahanap pa siya ng undersecretary para sa public safety, ngunit hindi pa matukoy kung ito ang naunang inupuan ni dating Undersecretary for peace and order Rico Puno. Hinirang ang dalawang DILG undersecretaries mahigit isang buwan matapos magbitiw sa poste si Puno. Nagbitiw si Puno, na dating namumuno sa mga isyung kaugnay ang pulis, matapos masangkot sa kontrobersya kaugnay ang naganap na anomalya sa gun deals, at pati na rin ang pagkasangkot niya sa ilegal na larong jueteng. Samantala, mananatili sa kanyang poste si Undersecretary for Local Government Austere Panadero sa kabila ng pagpapalit ng pamumuno ng ahensya. Santos, Fernandez Pamumunuan ni Santos ang administrative, legal, financial, at ang ibang special concerns ng DILG, ayon kay Roxas. Pinamunuan naman ni Fernandez ang Presidential Commission for the Urban Poor noong administrasyon ni yumaong Pangulong Corazon Aquino, ina ni Pangulong Benigno Aquino III. Nagtrabaho rin bilang Cebu City administrator ang bagong-halal na opisyal, at kasalukuyang pinamumunuan ang Cebu-based civil society group Pagtambayayong Foundation Inc., na tumutulong magbigay ng low-cost housing at kabuhayan sa mga grassroots na komunidad. Tutulong ang kapwa undersecretary sa pag-draft ng 2014 pondo ng DILG. “Manggagaling sa local government units ang kanilang pangangailangan. Sila ang magsasabi kung ano talaga ang hugis ng programa na kakailanganin nila. Bubuuin ito, icoconsolidate at ipapasa sa ating national government agencies,” ani Roxas. — Amanda Fernandez/BM, GMA News