We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Bilang dating lider ng bansa, batid ni dating Pangulong Fidel Ramos na hindi biro ang bigat ng trabaho na magpatakbo ng gobyerno. Kaya naman ang hangad niya sa binatang si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, magkaroon ng makakaagapay sa buhay. Sa exclusive interview ni Howie Severino kay Ramos nitong Huwebes sa News To Go, inamin nito na may pagka-"lonely job" ang pagiging pangulo kaya mahalagang mayroon ding mapagkakatiwalang tao na masasandalan ang lider ng bansa. “Hindi naman malungkot na malungkot at maraming nakikiramay sa’yo," paliwanag ni Ramos. “It’s not sorrowful but indeed it is lonely. Kasi sa wakas ikaw ang responsible, ikaw ang accountable." Nakikisimpatya at nagpahayag ng buong suporta si Ramos kay Aquino dahil batid nito ang bigat ng responsibilidad ng pangulo. “I fully sympathize and support the president because I know how difficult the days and hours are, and at the end he is all by himself. Even if there is a wife or a spouse, who want to help, at the end, ikaw pa rin ang may hawak ng tungkulin," aniya. Si Aquino, 52-anyos, ang kauna-unahang binatang pangulo ng bansa. Kamakailan lang ay inihayag nito na “zero" pa rin ang kanyang love life mula nang matigil ang napabalitang romantikong ugnayan nito sa television host na si Grace Lee. Sa panahon ng termino ni Ramos – mula 1992 hanggang 1998 – nakatuwang niya ang kanyang misis na si dating First Lady Amelita "Ming" Ramos. Biro umano sa kanya noon ng kanyang misis, mistula siyang paninda na naka-bargain nang manalong pangulo dahil nakuha siya na “buy 1, take 2." Bagaman si Ramos lang ang inihalal, dalawa umano sila ni Mrs. Ramos ang nagsilbi sa bansa dahil tumulong ang dating First Lady sa ilang proyekto ng gobyerno. Pero bukod sa may makakausap tungkol sa mga problema at makakatulong sa ilang proyekto, sinabi ni Ramos na mahalaga rin ang katuwang sa buhay sa mga social event. “Yung mga counterpart mo from various other countries, may dala-dalang misis o spouse. If you are a girl, may dala-dala kang husband, kasama," ani Ramos. "But that’s just the social part, e kung sa bahay? Mahirap siguro dun kung wala kang makausap to tell frankly about the problems of day. Mahirap yun. Sa’n mo ibubuga ‘yon kundi sa spouse." Ginawa ring halimbawa ni Ramos ang mga kadete sa Philippine Military Academy (PMA) lalo na ang mga napaparusahan na mayroon “laundry bag outlet" kung saan doon nila isinisigaw ang lahat ng kanilang saloobin. “Naparusahan dahil nagkaroon ng infringements, wala silang asawa ro’n. E, they cannot also shout at their roommates na napaparusahan din, napapahirapan din. Alam mo ginagawa nila, they shout into the laundry bag. Yun ang tinatawag na laundry bag outlet," paliwanag niya. Patuloy pa ng dating pangulo: “In terms of first having a friendly, unsolicited advice, very frankly, very sincere, very open, that comes from the spouse. And the other side of it is, in terms of telling somebody of your frustrations para mawala na sa loob mo. One way of getting rid of it is to shout it out. E, sino yun in this case? Anyway, palagay ko, kaya natin ‘to, darating din ‘yan siguro." Pero kung walang love life, sa mga miyembro ng pamilya at ilang malalapit na tagapayo inaasahan ni Ramos sasandal si Aquino. “He has to depend on his immediate circle advisers and immediate family, sisters. In this case, aunties, uncles, if they are around because I’m sure they all try to be helpful. But in the end he is the one responsible. I hope… wish lang that he finds somebody," hangad ni Ramos kay Aquino. - FRJimenez, GMA News