ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

18-anyos na dalaga, pinatay sa saksak; suspek, mismong nobyo ng biktima


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nauwi sa malagim na krimen ang pagtatalo ng magkasintahan sa Anilao, Iloilo, nang pagsasaksakin umano ng lalaki ang kanyang nobya habang nakalublob sa putikan. Sa ulat ni Jason Gregorio ng GMA-Iloilo sa Balita Pilipinas Ngayon, kinilala ang biktima na si Julie Ann Valencia, 18-anyos. Ayon kay PO2 Rodolfo Prudente Jr., lumitaw sa imbestigasyon na pitong saksak sa katawan ang tinamo ng biktima na dahilan ng pagkamatay nito. Kwento ng isang saksi, nagpalipas ng gabi ang magkasintahan sa bahay ng isang kamag-anak ng suspek na si Mark Hagurin, 23-anyos. Sa hindi pa malamang dahilan, bigla umanong nag-away ang dalawa at napatakbo ang biktima sa palaisdaan sa Brgy. San Carlos. Nang abutan ni Hagurin si Valencia sa putikan, dito na umano inundayan ng mga saksak ng suspek ang biktima. Patuloy naman na hinahanap ng mga awtoridad na nakatakas na suspek. – FRJ, GMA News