GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Pagsabog ng trak sa Riyadh, hindi sanhi ng pagkakabangga, ayon sa saksi

November 6, 2012 8:34pm
Inihayag ng isang Pinoy truck driver na hindi pagbangga sa tulay ang dahilan kaya sumabog ang isa pang trak na may kargang LPG sa Riyadh, Saudi Arabia na nagresulta ng pagkamatay ng 22 katao.

Dahil sa naturang aksidente, iniimbestigahan ng mga awtoridad sa Riyadh ang Pinoy na si Robin Kebeng na siyang nagmamaneho ng sumabog na trak.

Ayon kay Melchor Labi, truck driver din at kabilang sa convoy ni Kebeng, mayroon siyang napansing usok mula sa tanker na minamaneho ni Kebeng bago pa man ito sumabog.

Dagdag ni Labi, tumigil ang tanker bago ito sumabog kaya nabigyan ng pagkakataon ang dalawa sa pitong LPG tanker na kasama sa convoy na makabalik, ayon sa ulat ni Saleema Refrain sa "News to Go" ng GMA News TV nitong Martes.



Nasa tulay na si Labi nang maganap umano ang pagsabog. At sinikap din niyang huwag mahulog sa tulay ang minamaneho niyang tanker bago siya tumalon palabas ng sasakyan.

Kabilang sa 22 katao na nasawi sa trahedya ang isa pang Pinoy truck driver na si Florentino Santiago.

Sa naunang ulat, nagamot na ang pitong Pilipinong manggagawa na kasama sa may 100 katao na nasaktan sa pagsabog.

Pero isa pang Pinoy ang kasalukuyang nasa kritikal na kondisyon dahil sa kanyang neck fracture at lower extremity paralysis.

Nasa pangangalaga naman ng mga awtoridad sa Riyadh si Kebeng.

"He is still under investigation. Wala pang katiyakan, he is just a mere suspect. We are preparing to provide legal assistance to the Filipino driver and to help him in his defense," ayon kay Raul Hernandez, spokesman ng Department of Foreign Affairs (DFA). - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News
Go to comments