ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
JBC, nagrekomenda ng 7 kandidato para sa isang SC associate justice
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Nagrekomenda ang Judicial and Bar Council nitong Miyerkules ng pitong nominado para sa isang bakanteng posisyon ng associate justice sa Supreme Court. Napagkasunduan ng JBC ang pitong pangalan sa isang pagpupulong, kung saan namili sila mula sa 15 kandidato kung sinu-sino ang maaaring tutuloy sa susunod na yugto ng selection process. Ayon kay JBC ex-officio member Francis Escudero, ang pitong nominado ay sina:
- CA Associate Justice Rosemari D. Carandang, - dating University of the Philippines Law Dean Marvic M. Leonen, - dating Department of Energy Secretary Raphael Perpetuo M. Lotilla, - CA Presiding Justice Andres B. Reyes, Jr., - CA Associate Justice Jose C. Reyes, Jr., - CA Associate Justice Noel G. Tijam, at - founding dean ng De La Salle University College of Law Jose Manuel Diokno
Alinsunod sa Konstitusyon, ang JBC ang mamimili at kumilatis sa mga nominado para sa mga bakanteng posisyon sa hudikatura at sa Ombudsman at Deputy Ombudsman. Mayroon na lamang hanggang Nobyembre 22 – o 90 araw matapos mabakante ang posisyon – si Pangulong Benigno Aquino III na pumili mula sa pito kung sino ang magiging bagong associate justice, ayon kay JBC regular member para sa akademya Jose Mejia. Nabakante ang posisyon nang mahirang si Maria Lourdes Sereno bilang punong mahistrado, bilang pampalit kay Renato Corona. Si Sereno ang ikatlo sa pinakabatang associate justice at isa sa tatlong nahirang ni Aquino sa Korte Suprema. Dalawang linggo na ang nakaraan mula nang nagtapos ang dalawang araw na interviews ng JBC sa 12 sa 15 nominado sa naturang posisyon. Isinagawa ang mga panayam noong Oktubre 23 at 24, na pinamunuan ni Sereno bilang ex-officio chairperson ng JBC. Hindi na sumailalim sa panayam ang tatlong kandidatong sina dating Ateneo Law dean Cesar Villanueva, Diokno, at Teresita Herbosa, commissioner ng Securities and Exchange Commission – sapagkat nakapanayam na sila noong Hulyo nang naging nominado sila para sa pagka-punong mahistrado. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News More Videos
Most Popular