Grupong ‘Black and White Movement’, ‘di nakapasok sa party-list elections
Inaprubahan ng Commission on Elections (Comelec) ang aplikasyon ng party-list group ng mga taong may kapansanan, samantalang ibinasura naman ang akreditasyon ng ‘Black and White Movement’ na kinaaniban ng ilang kaalyado ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. "They are represented by Filipinos, all of them are disabled. Right now we don't have a representation of the disabled," paliwanag nitong Miyerkules ni Comelec chair Sixto Brillantes Jr., sa pagpayag na makasali sa party-list election sa 2013 ng grupong Pilipinos with Disabilities (PWD). Ang mga nominado na kakatawan sa grupo sa Kamara de Representantes sakaling manalo sa halalan ay kinabibilangan nina Michael Barredo na may kapansanan sa paningin, orthopedically-impaired na si Manuel Agcaoili, Adeline Ancheta, Octavio Gonzales at Luis Arrelano, na pawang mayroon ding kapansanan sa katawan. “Yung nominess nila, talaga namang disabled. Pangalawa, may track record sila of working with and for persons with disabilities," dagdag naman ni commissioner Rene Sarmiento, namumuno sa special voters’ registration para sa PWDs. Samantala, diniskwalipika naman ng Comelec ang mga grupong Cocofed, AAMA, Bayani, Abang-Lingkod, AANI, A-IPRA, AME, Greenforce, Firm 24-K, ALIM, ALMA, Kaagapay, SMART at ANAD para tumakbo sa eleksyon sa susunod na taon. Tinanggihan din Comelec en banc ang aplikasyon ng mga bagong partidong Kalikasan, A-Seamariners, at EDSA. Napagdesisyunan naman ng Comelec na makabubuting lumahok na lamang bilang political parties ang Kabaka at Alliance of Bicolnon Party sa halip na party-list. Inihayag din ni Brillantes na ibinasura ng ng first division na pinamumunuan ni Commissioner Sarmiento na bigyan ng akreditasyon ang Black and White Movement. Ang BWM ay kinabibilangan ng ilang miyembro ng Gabinete na kumalas ng suporta noon kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Sa ngayon, umabot na sa anim na party-list groups—ilan dito ay may kinatawan ngayon sa Kamara—ang nadiskwalipa na ng Comelec. Kabilang dito ang regional group Ako Bicol; Ang Galing Pinoy (AGP), na kinakatawan ni Rep. Mikey Arroyo; APEC at 1-CARE, na umano'y kumakatawan sa electricity consumers; Aangat Tayo na kumakatawan naman sa urban poor, kababaihan, matatanda at ang kabataan; at ang Kapatiran ng mga Nakulong na Walang Sala, na kumakatawan sa mga penal institution at mga bilanggo. Diskwalipikado ring makilahok sa eleksyon sa susunod na taon ang mga rehistradong party-lists group na Bantay, AGRI AKMA-PTM, AKO AGILA, AKO BAHAY, PACYAW, PM MASDA, COFA, ARARO, KATUTUBO at OPO. Ang mga nabanggit na grupo na nakasali noong 2010 elections. Kinansela rin ng poll body ang akreditasyon ng tatlong bagong aplikante—RAM GUARDIANS, Alyansa para sa Demokrasya, at Association of Airline and Airport Workers. Alinsunod sa Republic Act 7941, ang batas na lumikha sa party-list system, layunin nito na mabuksan ang House of Representatives para sa marginalized at underrepresented sectors. Ayon kay Brillantes, kasalukuyan nilang nililinis ang party-list system sa mga umaabuso sa naturang batas. “We’re applying the rules strictly as we want to interpret it strictly… Naabuso ito noong 2010. Gusto naming linisin ito in preparation for 2016," aniya. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News