GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Kaibigan ng pinaslang na model sa Q.C., natatakot na baka siya naman ang sunod na patayin

November 10, 2012 4:09pm
Handa umanong makipagtulungan ang kaibigan ng pinaslang na model na si Julie Ann Rodelas para mabigyan ito ng hustisya. Pero hindi rin nawawala ang pangamba niya na baka siya ang isunod na patayin ng mga salarin.

Sa eksklusibong panayam ni GMA reporter Ivan Mayrina, ikinuwento ni Althea, isa ring modelo at kaibigan ni Rodelas, kung papaano dinukot ng dalawang hindi nakilalang lalaki ang biktima sa Pasay noong Lunes ng hatinggabi.

Sa ulat ng Balitanghali nitong Sabado, sinabing nagtungo sa World Trade Center sa Pasay ang magkaibigan para katagpuin ang iba pa nilang kaibigan.

Subalit bigla umanong hinatak ng isang lalaki si Rodelas papasok sa isang malalaking sasakyan, habang ang isa pang lalaki ay tila nagsilbing look-out.

Wala na umanong nagawa si Althea nang maisakay na ng mga suspek ang kaibigan. Nalaglag at naiwan sa kalsada ang bag at isang piraso ng sandals ni Rodelas.



Kinalaunan ay natagpuan ang bangkay si Rodelas sa Quezon City na may mga tama ng bala sa katawan.

Hindi hinabol ng mga pulis

Naghihinanakit din si Althea sa mga rumespondeng pulis dahil hindi umano nito hinabol ang sasakyan ng mga suspek na hindi niya na-plakahan.

“Pag-atras po ng malaking sasakyan, dumating po agad yung motor. Akala ko po hahabulin (yung mga suspek) may sasakyan pa ng pulis ang dami dami nila... Sana po hinabol niyo, sabi po sa akin ng hepe, ‘eh hindi mo nga naplakahan di ba?,’ kwento ng naiiyak na si Althea.

Paliwanag naman ni P/Insp. Allan Estrada ng Pasay City Police: “Hindi naman kami ang nagresponde diyan. Ibang presinto po ang nakakuha sa kanya tapos itinurn-over lang sa presinto ko. Tinatanong namin yung plaka kung nakita niya para makuha ang description ng sasakyan. Tinatanong namin kung kakilala niya yung kumuha.

Matapos mai-blotter ang insidente, ibinigay ng pulisya kay Althea ang mga naiwang gamit ng biktima. Sa cellphone ni Rodelas, nakalagay ang ilang mensahe na mayroon itong kaaway pero hindi malinaw kung sino.

Nilinaw din ni Althea ang dahilan kung bakit hindi kaagad siya nagpakita matapos makitang patay na ang kaibigan sakabila ng pakiusap ng mga kamag-anak ng biktima.

“Balak ko naman talagang makipagtulungan pero nung tinext po kasi nila na patay na (si Julia Ann) natakot po siyempre ako na lumabas…natakot po ako na pumunta dun siyempre baka mamaya ako na ang susunod," paliwanag niya. -- FRJimenez, GMA News



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus