Menor de edad na sangkot umano sa pagnanakaw, binaril sa Davao City, patay
Patay ang isang 16-anyos na lalaki sa Davao City matapos siyang barilin sa ulo ng isang hindi pa nakikilalang salarin habang papalabas ng iskinita ang biktima. Sa ulat ni Shiela Vergara ng GMA-Davao sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, sinabing inaalam ng pulisya kung may kinalaman ang pagkakasangkot ng biktima sa mga kaso ng pagnanakaw kaya ito pinatay. Kuwento ng saksi, isa lang ang nakita niyang suspek na mabilis na tumakas matapos barilin ang biktima at na humandusay sa labasan ng iskinita sa barangay Leon Garcia. Inilarawan ang suspek na tinatayang nasa 40 hanggang 50 ang edad at may taas na 5’8". Sa tulong ng nabuong cartographic sketch, hinahanap na ng mga pulis ang suspek. Hindi naman nagbigay ng pahayag sa media ang magulang ng biktima. - FRJ, GMA News