Pagholdap sa isang hardware store sa Iloilo, tumagal lang ng 2 minuto
Dalawang minuto lang ang kinailangan ng dalawang holdaper para tangayin ang kita ng isang hardware store sa Iloilo City nitong Lunes. Sa ulat ni Jennifer Munieza ng GMA-Iloilo sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabing naganap ang panloloob ng dalawang suspek sa isang hardware store sa Molo District, Iloilo City, dakong 10:30 a.m. nitong Lunes. Sa kuha ng CCTV na nakalagay sa labas ng hardware store, nakita ang pagpasok ng dalawang suspek sa loob ng establisimyento. Pagkalipas lang ng dalawang minuto, muling nahagip ang ng camera ang dalawa na patakbong lumalabas. Sinubukan pa ng ilang trabahador ng hardware store na habulin ang dalawang suspek pero nakatakas pa rin. Kuwento ng isang empleyado sa loob ng establisimyento, naglabas ng baril ang mga suspek at nagdeklara ng holdap nang makapasok sa loob. Dahil sa takot, wala na silang nagawa kundi ibigay ang pera sa mga suspek na umaabot sa P30,000. Sa isinagawang follow-up operation ng mga pulis, isang taxi driver na nagngangalang William Cordova ang nadakip. Si Cordova umano ang sinakyan ng dalawang suspek nang tumakas. Gayunman, iginiit ni Cordova na hindi niya naging pasahero ang dalawang sangkot sa holdapan. Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring krimen.- FRJ, GMA News