GMA News Online
Ulat Filipino
»
Ilocos

Hepe ng pulisya sa Tubao, La Union at Sta Cruz, Ilocos Sur, sinibak

November 14, 2012 11:55pm

Inalis sa kanilang puwesto ang mga hepe ng kapulisan sa Tubao, La Union at sa Sta Cruz, Ilocos Sur dahil sa insidente ng karahasan at iligal na sugal sa kanilang nasasakupan.

Ipinaalam ni Chief Supt. Franklin Jesus B. Bucayu, regional director ng Police Regional Office 1 (PRO1), ang pagsibak sa puwesto kay Senior Insp. Luis Liban, bilang chief of police ng Tubao.

Ang pag-alis sa puwesto kay Liban ay bunga umano ng pagtaas ng insidente ng pamamaril sa kanyang nasasakupan na hindi nito mareresolba.

Pansamantalang itinalaga ni Bucayu bilang hepe ng Tubao police si Senior Insp. Benigno C. Sumawang, na dating nakatalaga sa Human Resource Development Division officer ng La Union Police Provincial Office (LUPPO).

Ayon kay Bucayu, malaking epekto na sa peace and order sa nabanggit na bayan ang pagtaas ng shooting incident sa lugar na nagresulta sa pagkamatay ng ilang lokal na pulitiko at sibilyan.

Noong nakaraang Setyembre, nakaligtas sa ambush ang kasalukuyang alkalde ng bayan na si mayor Dante Garcia.

Pero sa hiwalay na insidente ng pamamaril, nasawi si Rodolfo Estoque, isang barangay kagawad at gayundin si Atty. Lazaro Gayo, dating vice mayor.

Samantala, dahil sa pinaiiral na “One Strike Police" sa iligal na sugal, inalis ni Bucayu sa puwesto si Chief Inspector Faustino Bandao, hepe ng Sta Cruz, Ilocos Sur.

Kamakailan ay dalawang kubrador ng jueteng ang nahuli sa isinagawang anti-gambling operation ng mga tauhan ng Regional Anti-Illegal Gambling Task Force, na patunay umano na patuloy ang operasyon ng iligal na sugal sa lugar.

Binalaan ni Bucayu ang lahat ng kumandante ng kapulisan sa kanyang nasasakupan na mahigpit niyang ipapatupad ang “One Strike Policy" kaya dapat ipatigil ang operasyon ng jueteng sa kanilang lugar. - Thom Picana/FRJ, GMA News
Go to comments