Party-list groups sa Kamara, nagkakairingan dahil sa isyu ng diskuwalipikasyon
Naglunsad ng “silent protest" ang ilang nakaupong party-list representatives sa Kamara de Representantes sa pamamagitan ng pagbabawal na tumanggap ng solicitation o mga humihingi ng tulong pinansiyal sa kanilang mga tanggapan. Umabot sa 18 sectoral representatives ang nagsara ng kanilang pintuan para tumanggap ng mga solicitation matapos silang akusahan ng ibang grupo bilang mga “bogus" party-list group. Kaugnay ito ng isinasagawang pagsala ng Commission on Elections (Comelec) sa mga sasaling party-list groups sa darating na May 2013 elections. Ilang party-list groups na may nakaupong kongresista ngayon sa Kamara ang kabilang na sa mga diniskuwalipika ng Comelec. Inilagay ng mga nagpo-"protestang" party-list representatives sa pintuan ng kanilang opisina ang katagang: “For solicitations, please proceed to the office of Bayan Muna party-list." Una rito, sinabi An Waray party-list Rep. Florencio “Bem" Noel, kasama sa mga nagpoprotesta, na ang nakalagay na abiso ay tugon sa alegasyon ng party-list na Bayan Muna na sila lamang ang “legitimate" party-list group. Bukod sa An Waray, kasama rin sa mga nagpoprotesta ang AKO BICOL, Senior Citizen, Bagong Henerasyon, A Teacher, CIBAC, AGHAM, AGAP, YACAP, APEC, 1-CARE, ALE, COOP NATCCO, BUTIL, ALAGAD, AANGAT TAYO, UNA ANG PAMILYA at Abante Mindanao. Kinastigo naman ng koalisyon na Makabayan bloc sa Kamara – na kinabibilangan ng Bayan Muna – ang patutsada sa kanila na tinawag nilang “cheap diversionary and retaliatory tactics." “Resorting to childish antics specifically shutting down their offices and refusing to provide assistance to the intended beneficiaries of the public funds that were given them by tax payers is intended to divert the issues," nakasaad sa pahayag ng mga kongresistang kaanib ng Makabayan bloc. Ang Makabayan bloc ay kinabibilang ng party-list groups na Bayan Muna, Gabriela, Anakpawis, Kabataan at ACT Teachers. Suporta sa An Waray Sa Taclocan City, nagpakita ng suporta sa An Waray ang may 100 katao matapos magsagawa ng kilos protesta sa harapan ng tanggapan ng party-list group. Iginiit nila na malaki ang naitutulong ng naturang grupo sa mga maralita tulad ng pagpapaaral sa paraan ng scholarship program. Nanawagan sila sa mga kritiko ng An Waray na isang-tabi muna ang usapin ng pulitika. Inaasahang darating sa Tacloban si Noel mula sa Manila para harapin ang akusasyon ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) na “bogus" na party-list group ang An Waray. Nais ng Bayan -- kaalyado ng Bayan Muna -- na isama ng Comelec ang An Waray sa mga ididiskuwalipikang party-list organization sa darating na halalan dahil wala umano itong malinaw na kinakatawang marginalized sector. Kamakailan ay nagpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema kaugnay sa desisyon ng Comelec na idiskuwalipika ang ilang party-list groups na kinabibilangan ng ko Bicol, Association of Philippine Electric Cooperative (APEC), at 1st Consumers Alliance for Rural Energy (1-CARE). -- Ronnie Roa/FRJ, GMA News