ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pinuno ng BuCor, pinalitan na naman kasunod ng pagsabog ng granada sa Bilibid


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Muling nagtalaga ng bagong pansamantalang pinuno ng Bureau of Corrections (BuCor) si Justice Secretary Leila de Lima kasunod ng naganap na pagsabog ng granada sa loob ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City noong nakaraang linggo. Inalis ni De Lima sa puwesto nitong Martes si BuCor officer-in-charge Manuel Co, at ipinalit si National Bureau of Investigation deputy director Rafael Ragos. "It is not an easy job to head one agency, and it is that much more daunting to head two agencies simultaneously, especially when one of them comes with tremendous challenges like the magnitude that accompanies the post of OIC BuCor director," ayon sa kalihim. Anim na preso sa NBP ang nasagutan sa naganap na pagsabog noong nakaraang linggo na pinaniniwalaang sanhi ng away ng iba’t ibang grupo sa loob ng piitan. Si Co ay itinalagang OIC ng BuCor noon lamang nakaraang Agosto matapos maghain ng indefinite leave ang pinalitan niyang si Gaudencio Pangilinan kasunod ng pagdukot sa bilanggong si Rolito Go sa loob ng Bilibid. Ayon kay De Lima, bilang OIC ng BuCor ay pamamahalaan ni Ragos ang operasyon ng piitan. Bukod kay Ragos, itinalaga rin ng kalihim si Supt. Guillermo Ayala bilang kapalit ni NBP superintendent Ramon Reyes. Si Ayala ay kasalukuyang superintendent ng Iwahig Prison and Penal Farm sa Palawan. Inilagay din sina Josie Bayawa, Celso Bravoa, at Alfredo Devaras bilang mga bagong pinuno ng NBP maximum, medium, at minimum compounds. Si Josie Bayawa ay nakatalaga sa BuCor Legal Office, habang NBP assistant superintendent naman si Celso Bravo, at sa BuCor Reservation Support Office naman si Alfredo Devaras. – FRJ, GMA News