GMA News Online
NewsTV
»
Hamon ng Kalikasan

Hamon ng Kalikasan

Hamon ng Kalikasan: Hamon ng Bulkan

November 22, 2012 9:33am
HAMON NG KALIKASAN: BULKAN
NOVEMBER 22, 2012, 10:00 PM, GNTV
 
Noong 1991, naganap ang pangalawa sa pinakamalakas na pagsabog ng bulkan sa buong mundo sa loob ng 20th century – ang pagputok ng Mt. Pinatubo. Nagsimula ang pag-aalburoto sa pagbuga ng abo na umabot pa hanggang Maynila. Nauwi ito sa pagsabog ng pyroclastic material at dahil sa sumunod na bagyo, lahar naman. Daan-daang mga tao ang namatay at nawalan ng tirahan dahil sa pagngangalit ng bulkan. Ang topograpiya ng ilang probinsiya, nabago; may ilang mga bayan pa nga ang nabura sa mapa. Pati ang temperatura sa buong mundo, naapektuhan ng kumalat na abo mula sa Pinatubo.
 
Pero bukod sa Pinatubo, mayroon pang mahigit dalawampung bulkan sa Pilipinas na aktibo ayon sa PHIVOLCS. Kabilang na rito ang Mt. Mayon sa Albay at Taal Volcano sa Batangas. Sa dami ng bulkan sa Pilipinas, isa nga ito sa mga bansang nasa Pacific Ring of Fire. Dahil sa peligrong maaaring hatid ng mga bulkan, mahalaga na maunawaan natin kung paano sila nabubuo at kung ano ang nasa likod ng kanilang mga pagsabog. Higit sa lahat, mahalaga rin malaman kung paano tayo dapat maghanda sakaling mag-alboroto muli ang alin man sa mga ito.
 
Sa Huwebes, November 22, samahan ang ekspertong totoo na si Nathaniel “Mang Tani” Cruz para alamin kung handa na nga ba tayo sa hamon ng mga bulkan. Sa tulong ni Dr. Renato Solidum ng PHIVOLCS, sisilipin ng episode na ito ang iba’t ibang klase ng pagputok ng bulkan. Bibisitahin din natin ang isang lugar sa Zambales kung saan tuktok na lamang ng dating simbahan ang bakas ng isang barangay na ngayo’y nalubog na sa tubig at lahar.
 
Sa kabila ng pinsalang dulot ng pagputok ng bulkan, may mga benepisyo rin itong hatid. Kabilang na rito ang pag-usbong ng turismo sa mga lugar malapit sa bulkan at ang paggamit ng enerhiya mula sa mga bulkan.
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus