3 Kapuso stars, nakasama sa ‘short list’ ng mga nag-audition sa 'Miss Saigon'
Nananatiling buhay ang pag-asa ng tatlong Kapuso stars na makasali sa sikat na musical play na "Miss Saigon' matapos silang mapasama sa ikinukonsiderang “short list" ng mga nag-audition. Sa ulat ni Cata Tibayan sa Chika Minute ng 24 Oras nitong Huwebes, sinabing sa mahigit 1,000 nag-audition mula nitong Lunes, 74 na lamang ang natira na kinabibilangan ng 38 babae at 36 na lalaki. Itinuturing “short list" na umano ng mga nag-audition ang natirang 74, na kinabibilangan ng mga Kapuso artist na sina Rachelle Ann Go, Aicelle Santos at Frencheska Farr. Sa pagpapatuloy ng audition nitong Huwebes, sumabak ang tatlo sa dance routine at vocal coaching mula sa production panel. Ipinakanta kay Rachelle ang ‘I Give My Life For You’ na inawit ng pangunahing karakter sa musical play na si Kim. Samantala, ang “Movie In My Mind" naman na inawit ng karakter ni “Gigi" ang ipinakanta kay Aicelle. Pinapili naman ng kanta si Francheska, at pinili rin niya ang awitin ni “Gigi." Masaya at natutuwa si Rachelle dahil magkakasama pa rin silang tatlo sa shortlist ng mga nag-audition. Masaya at natatawang ikinuwento naman ni Aicelle na, “Nilagay nila sa papel (karakter ni) Gigi eh… ‘yon yung sexy na naka-two piece. Sabi ko nga po, sige po magwowork out na ako kung saka-sakali." Dagdag naman ni Frencheska, “Ibinigay namin yung kaya naming i-project, lahat nung character pinasok namin sa sarili namin para maibigay yung kung anuman na hinahanap nila." Inaasahan na aabutin pa umano ng anim na buwan hanggang isang taon ang audition para sa Miss Saigon na pinagbidahan na noon nina Lea Salonga at Monique Wilson bilang "Kim". – FRJimenez, GMA News