Kindergarten pupil, nagsumbong laban sa kanyang guro
Isang limang-taong-gulang na kindergarten pupil sa Dagupan City, Pangasinan ang nagsumbong na sinasaktan at ikinukulong umano siya sa banyo ng kanyang guro. Sa ulat ni Alfie Tulagan ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, sinabi ng bata na binabatukan siya at ikinukulong ng kanyang guro sa banyo ng kanilang silid-aralan. Paniwala ng bata, ang kanyang kadaldalan ang dahilan kaya siya sinasaktan. Kwento naman ng lolo ng bata, sinabi sa kanya ng apo na ayaw na nitong pumasok dahil sa ginagawa ng guro. Inamin din umano sa kanya ng guro ang ginagawang pagkulong sa bata sa banyo. Pero sa ginawang panayam sa inirereklamong guro, itinanggi niya na sinaktan niya ang bata. Mali rin umano ang pagkakaintindi ng lolo na inamin niyang ikinukulong niya sa banyo ang bata. Paliwanag nito, mayroon kasunduan na dapat dalhin sa banyo ang mga bata kung magdadaldalan ang mga ito. Pero nilinaw ng guro na walang saraduhan ang banyo. Sakabila nito, humingi na umano ng paumanhin ang guro sa mga magulang ng bata. Inihayag naman ng presidente ng Parents Teachers Association na reresolbahin nila ang naturang usapin. Pero paglilinaw naman ng pamunuan ng Department of Education sa Dagupan City, hindi tama ang kasunduan na ilagay sa banyo ang mga bata kung magdadaldalan ang mga ito. Magsasagawa umano ng pagsisiyasat ang tanggapan tungkol sa naturang usapin. - FRJ, GMA News