Seguridad sa Cebu, hinigpitan sa Nat’l Thanksgiving Day para kay San Pedro Calungsod
Hinigpitan na ang seguridad sa lalawigan ng Cebu kaugnay ng gaganaping National Thanksgiving Day para kay San Pedro Calungsod sa darating na Biyernes. Iniulat ni GMA-Iloilo Alan Domingo sa Balita Pilipinas Ngayon, na nakabalik na sa Cebu nitong Martes ng tanghali ang imahen ni San Pedro kung saan sinalubong ito ng mga deboto. Matapos na sandaling panatilihin sa San Pedro Shrine, inilipat ang imahen ng ikalawang Santong Pinoy sa Our Lady of Guadalupe Church kung saan ginawa ang isang misa. Sa Biyernes, magkakaroon muli ng misa at fluvial parade. Tinatayang 1,500 pulis ang ipakakalat sa lugar na pagdarausan ng selebrasyon. Pinaiiral na rin ang gun ban sa lalawigan na tatagal hanggang sa Linggo. Mahigpit na paalala ng pulisya, walang ibang papayagan na magdala ng baril sa labas ng bahay maliban sa mga pulis at awtoridad. - FRJ, GMA News