ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

VACC kay PNoy: Bigyan ng hustisya ang pinaslang na amang si Ninoy


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa ika-80 kaarawan sana ng pumanaw na si dating Senador Benigno "Ninoy" Aquino Jr., nanawagan kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) na bigyan ng hustisya ang pagpatay sa kanyang ama. Matapos ang pribadong Misa na isinagawa nitong Martes ng umaga sa puntod ni Ninoy sa Manila Memorial Park sa Parañaque City, iginiit ng VACC na dapat mabigyan din ng katarungan ang pagkamatay ng martir na bayani. "Mr. President, it is your duty to identify...the masterminds of the killing of your father. Dahil siya po ay bayani, kailangan pong makialam ang sambayanan. Kailangan pong malaman natin at magkaroon ng closure," pahayag ni Dante Jimenez, pinuno ng VACC sa ulat ni Micaela Papa sa 'Balitanghali' ng GMA News TV. Si Ninoy ay binaril at napatay noong Agosto 21, 1983 nang dumating sa dating Manila International Airport (Ninoy Aquino airport na ngayon) mula sa kanyang self-exile sa US. Bagaman nakulong ang ilang sundalo na sinasabing sangkot sa pagpatay kay Ninoy, nanatiling palaisipan kung sino ang utak sa naganap na asasinasyon. Noong 2006, pinagkalooban ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng pardon ang 14 na dating sundalo na nahatulang makulong ng habambuhay dahil sa kanilang pagkakasangkot sa pagpaslang kay Ninoy. Ang VACC ay kabilang sa mga nanawagan na palayain na ang mga sundalo dahil sa katandaan ng mga ito na umabot na ang edad sa mahigit 70. Tinutulan ng mga Aquino ang planong pagpapalaya sa mga sundalo. Ipinaliwanag ni Pangulong Aquino, na noo’y kongresista pa lamang ng Tarlac, na wala siyang nakikitang rason upang pagkalooban ng pardon ang mga sundalo. Pribadong Misa Sa pagbisita sa puntod ni Ninoy at sa misis niyang si dating Pangulong Cory Aquino nitong Martes ng umaga, isang pribadong misa ang idinaos na dinaluhan nina Pangulong Aquino at mga kapatid niyang sina Ballsy, Viel at Kris. Pinalibutan ng dilaw na bulaklak ang puntod ng mag-asawang Ninoy at Cory. Hindi na nagpaunlak ng panayam ang mga Aquino na kaagad ding umalis matapos ang misa. Sa kabila ng mahigpit na seguridad, pinayagan naman ang ilang tagahanga na magbigay respeto sa martir na bayani. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News