DTI, walang tauhan na nagbabahay-bahay para sumuri ng mga produkto
Nilinaw ng isang opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) sa Region 1 na wala silang tauhan na nagpupunta sa mga bahay para mag-check ng mga produkto. Ang paglilinaw ay ginawa ni Florante Leal, director ng DTI-Region 1, matapos makunan sa CCTV camera ang isang lalaki na pumasok sa isang bahay sa Calasiao, Pangasinan para suriin umano ang tangke ng LPG doon. "Hindi kami lumalabas sa mga bahay-bahay at nagmomonitor. Ang minomonitor namin ay tindahan, yung mga nagtitinda ng LPG," paliwanag ni Leal sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon. Sa panayam sa may-ari ng bahay na itinago sa pangalang William, sinabi nito na sinuri niya ang kuha ng CCTV para alamin ang ikinilos ng lalaking nagpakilalang tauhan ng DTI na pinapasok ng kanyang kasambahay. Nang umakyat ang kanyang kasambahay sa itaas ng bahay para tingnan ang kanilang LPG tank, nanatili sa isang bahagi ng bahay ang lalaki. Pero hindi makita sa footage kung ano ang tinitingnan ng lalaki sa bahay ni William. Sumunod nito ay umakyat na rin ang lalaki sa itaas at tiningnan ang LPG tank saka umalis at lumipat ng ibang bahay. Dahil dito, muling nagpaalala ang mga awtoridad na huwag basta-basta magpapapasok ng hindi kilalang tao sa loob ng bahay para na rin sa kanilang kaligtasan. - FRJ, GMA News