Bakit pumayag si Richard Gutierrez na umalis sa kanyang 'comfort zone' sa pelikulang Seduction?
Sa unang pagkakataon, umalis sa kanyang nakagawiang mga papel na ginampanan ang Kapuso leading man na si Richard Gutierrez para sa pelikulang Seduction na pamamahalaan ni Direk Peque Gallaga. Sa naging panayam sa kanya ng HOT TV nitong Linggo, sinabi ni Richard na kakaibang karakter ang kanyang ginampanan sa Seduction kung saan kasama niya ang kanyang real life sweetheart na si Sarah Lahbati at si Solenn Heussaff. "First time kong gumanap ng ganitong klaseng character. First time ko siguro talagang gumawa ng isang project na umalis talaga ako sa comfort zone ko," paliwanag niya. Bagama't mayroong maseselan at matitinding love scenes ang nasabing pelikula, buo naman daw ang tiwala ng Kapuso actor sa kanyang direktor kaya handa siyang gawin ang lahat ng ipapagawa nito sa kanya. Ayon naman kay Direk Peque, "It's always, may parang dialogue yung mga halikan nila and it's not always Richard who attacks ha. No, the first who attacks is Sarah [Lahbati] sa totoo lang." May mga natitira pang eksena na kukunan sa magandang Caramoan Island kaya naman naitanong kay Richard kung magkakaroon pa ng mas maraming skin exposure ang aktor. Pero naging matipid ang sagot nito: "Tingnan natin, tingnan natin... Abangan niyo na lang." Mapapanood ang 'Seduction' sa Enero 2013 na kasabay sa selebrasyon ng kaarawan ni Richard. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News