GMA News Online
Showbiz

Kuwento ni Ryzza Mae Dizon, tampok ngayong Sabado sa 'Magpakailanman'

December 5, 2012 6:59pm

Nagsimula nang magtaping ang 2012 Little Miss Philippines na si Ryzza Mae Dizon sa kanyang episode sa Saturday evening drama show na "Magpakailaman" na mapapanood ngayong Sabado.

Makakasama niya sa "The Ryzza Mae Dizon Story" sina Manilyn Reynes na gaganap bilang ina niya at si Yul Servo na gaganap naman bilang kanyang ama.

Kwento pa ni Ryzza sa ulat ni Lhar Santiago sa Balitanghali nitong Miyerkules, nagbigay pa raw ng payo ang kanyang "Mama Manilyn" habang sila ay nagta-taping.



"Galingan ko daw po para maraming manood na tao at saka po dapat laging magpa-pray," pahayag ni Ryzza.

Samantala, mabilis na ring nakikilala si Ryzza dahil sa kanyang bibong-bibo na pagsasayaw ng cha-cha.

Kaya naman tuwing nakikita siya ng tao, ang sigaw sa kanya ay sumayaw siya ng cha-cha na madalas nitong ginagawa sa "Eat Bulaga!" kung saan siya ay regular na Dabarkads.

"Gusto ko po talagang sumayaw dahil po magandang sumayaw, maraming napapatawang mga tao. Maraming napapasaya po," kwento nito.

Gayundin, nagpakitang gilas din si Ryzza Mae sa pagsasayaw ng cha-cha sa birthday celebration ng kapatid ni Bong Revilla Jr. na si Andeng nitong nakaraang linggo kung saan naroon din si Vic Sotto.

Sa nasabing selebrasyon, hindi lamang basta pagsayaw ang ginawa ng batang babae kundi  pinatayo pa niya ang mga tao upang turuan niya.

Maliban dito, nagbigay pa ng tip para sa kanila.

Aniya, "Para po pumayat kayo, sumayaw lang kayo tuwing umaga ng cha-cha at saka po tuwing tanghali. Huwag kakalimutan, nakanganga at saka ang cha-cha po dapat nasa puso." Mac Macapendeg, BM, GMA News




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus