Malacañang, hinimok na gawing 'urgent' ang 'free mobile alerts' bill
Sa gitna ng trahedyang dulot ni bagyong Pablo na kumiltil sa daan-daang buhay at sumira ng bilyun-bilyong halaga ng mga ariarian, nanawagan ang isang mambabatas sa Malacañang na sertipikahan bilang "urgent" ang House Bill 5660, o ang Free Mobile Alert Act. Sa ilalim ng panukala, hinihiling ang mandato na mag-oobliga sa mga mobile phone company na magbigay ng libreng text alerts sa mga mamamayang sinalanta ng mga kalamidad. Sa isang pahayag na ipnadala ni Bayan Muna partylist Representative Teddy Casiño sa GMA News Online nitong Biyernes, hinimok din ng kongresista ang mga mamamayan magtulong-tulong para sa mga malawakang relief operations. "It should be all hands on deck. Let us all work together to ensure that the flood victims are given immediate aid and support," ayon kay Casiño. Sa talaan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) maaga nitong Biyernes, umabot na sa 418 ang bilang ng namatay, habang aabot na sa P4 billion ang pinsala sa mga ari-arian at sa agrikultura. Kung magiging batas ang HB 5660, makatutulong ito sa pagsagot sa problema ng gobyerno sa pagbigay ng maagang babala sa mga panahon ng kalamidad, ayon sa pahayag ng kongresista. "The bill requires government agencies to facilitate the sending out of free mobile alerts, with telecom firms serving as tools for public information. "In the event of an impending tropical storm, typhoon, floods, tsunami, or other calamities, mobile phone service providers are mandated to send out alerts at regular intervals as required by National Disaster Risk Reduction Management Council and PAGASA, PHIVOLCS and other relevant agencies," dagdag pa nito. "With the bill approved, it will be clear that it is both the government and the telecom companies' duty to send out free mobile alerts at the earliest time possible,” dagdag pa niya. Ang mga babala umano ay ang mga napapanahong mga impormasyon mula sa mga responsableng mga ahensiya ng gobyerno, kung saan direkta itong ipapadala sa mga mobile phone subscribers malapit at sa mismong apektadong mga lugar. Magiging kalakip din ng mga babala ang mga contact information ng local government units, pati na rin ng mga ahensiya ng gobyerno na may direktang responsibilidad na tumugon sa mga kalamidad. Kung maisabatas ang panukala, ang mga text alerts ay magiging libre, direkta man o 'di direkta; at magiging kalakip ng "axulliary service" ng mga mobile phone companies. Kalakip din sa panukala ang "penalty" kung sakaling hindi ipapadala ang text alerts o 'di kaya ay mga maling impormasyon ang ipapadala ng phone companies. “We hope that this bill will stop or at least minimize disasters, mishaps and inconveniences from occurring. We hope it will help save lives,” ani Casiño. — LBG, GMA News