ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Itinuturong lider ng Ozamis robbery-holdup group, itinakas sa Bilibid


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Mistulang eksena sa pelikula na naitakas sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City nitong Sabado ng umaga ang umano'y lider ng kilabot na Ozamis robbery-holdup group. Batay sa mga inisyal na impormasyon, sinabing dalawa hanggang sa tatlong armadong lalaki ang kumuha at tumulong para makatakas sa kulungan si Ricky Cadavero, alyas Kambal. Nagpanggap umanong mga bisita sa bilangguan ang tatlong lalaki at nang nasa loob ay dinis-armahan ang guwardiyang nagbabantay kay Cadavero at itinakas palabas ng piitan. Nagawa pa umanong makipagpalitan ng putok sa mga guwardiya ng bilibid ang mga kasama ni Cadavero bago sila tumakas sakay ng dalawang motorsiklo. Si Cadavero ay nadakip nito lamang Oktubre matapos ang sunod-sunod na insidente ng madugong pangho-holdap sa ilang establisimyento sa Metro Manila na itinuturong kagagawan ng kanyang grupo. "A brief firefight ensued between prison guards and the suspects on board motorcycles during their escape. Tracking teams are now dispatched by Bureau of Corrections officials," ayon sa impormasyong ipinadala sa media ni Chief Supt. Generose Cerbo Jr., tagapagsalita ng Philippine National Police. Idinagdag ni Cerbo na nagpalabas ng direktiba si PNP Chief Nicanor Bartolome sa kinauukulang special PNP units na tumulong sa paghahanap kay Cadavero. Ang pagkakatakas ni Cadavero ang pinakabagong insidente sa loob ng kulungan. Noong nakaraang buwan ay ilang bilanggo ang nasugatan nang may maghagis ng granada sa loob ng piitan. Bago nito, nabulabog din ang NBP nang mawala sa kulungan ang convicted killer na si Rolito Go, at pagkaraan ng ilang araw ay muling natagpuan at sinabing biktima siya ng kidnapping sa loob ng bilibid. — FRJ, GMA News