GMA News Online
Ulat Filipino
»
Talakayan

Limang gabay sa pagsulat ng script para sa pelikula

December 11, 2012 4:00pm

Kung bibigyan ka ng pagkakataon na gumawa ng script para sa isang pelikula, ano ang isusulat mo at paano mo ito sisimulan?

Sa ginanap na Read Lit o Philippine International Literary Festival noong Nobyembre, nagkuwento at nagbigay ng ilang patnubay ang mga kilalang personalidad sa panitikan at pelikula ukol sa kanilang mga likha. Narito ang mga gabay nila:

1. Isapuso ang mga karanasan

Salat man sa buhay o marangya—ang bawat karanasan ay maaaring gamitin sa paglalarawan ng mga tao (mga nakakasama at nakakausap), mga lugar (napupuntahan, ang paligid, ang pakiramdam sa lugar), at iba pa. Napapayaman nito ang imahinasyon ng tao at nakakatulong sa pagde-detalye ng bawat eksena sa pelikula.

Halimbawa na rito ang akda ni Edgardo M. Reyes na 'Mga Kuko sa Liwanag.' Ayon kay Bienvenido Lumbera, National Artist para sa Panitikan, nakita sa nasabing nobela ang kahirapan na naranasan ng may-akda.

Aniya, “Matindi ang epekto ng kanyang kahirapan sa buhay sa paraan ng kanyang pagsusulat... Hindi nanggaling sa eskwelahan ang kanyang panunulat.

“Ang kanyang pagiging ulilang probinsiyano ang nagbigay sa kanya ng karanasan, hindi lamang imahinasyon,” dagdag ni Lumbera.

Mula rin sa mga karanasan lumalabas ang katangian ng isang karakter, ayon kay Efren Abueg, na nanalo ng Gawad Pambansang Alagad ni Balagtas at Don Carlos Palanca Memorial Award para sa Panitikan.

Ilan sa mga sinulat ni Abueg ang “Mga Piling Akda ng Kadipan” at ang “Bugso,” ang kanyang kauna-unahang koleksyon ng mga kuwento. Kwento pa niya, “Ang detalye ni Edgar [Reyes], napakayamang gamitin sa pelikula. Hindi na kailangan ng imbento.”

Ang pelikulang “Maynila sa mga Kuko ng Liwanag” ni Lino Brocka, National Artist para sa pelikula, na ipinalabas noong 1975 ay hango sa akda ni Reyes. Tinalakay nito ang istorya ni Julio, ginampanan ni Bembol Roco, na isang probinsyanong lumuwas sa Maynila upang hanapin ang kanyang kababatang kasintahang si Ligaya, na ginampanan naman ni Hilda Koronel.

2. Ilarawan ang bawat detalye

Importanteng malinaw ang deskripsyon ng bawat karakter, lugar, at pangyayari sa isang script dahil maaari itong maging daan upang madaling isalin sa pelikula ang text.

Isa sa mga payo ni Abueg ay panatilihin ang pagiging “natural” sa pagsusulat dahil kapag nasobrahan, ito ay nagiging “teknikal” at hindi na madaling maintindihan.

Ayon kay Lumbera, madaling isalin sa pelikula ang akdang 'Mga Kuko sa Liwanag' ni Reyes dahil sa abilidad nitong maglarawan ng mga lugar, mga karakter, at paligid sa bawat eksena na tugma sa pelikula dahil sa pagiging “simple” nito at pagkakaroon ng “malinaw na imahinasyon.”

Wika pa niya, “Hindi problema ng mga filmmakers ang maghanap ng mga tauhan sa pelikula dahil ang storya [ng Mga Kuko ng Liwanag] ay madaling ma-translate.”

“Ang 'Mga Kuko sa Liwanag' ay nakahugis para sa pelikula dahil natural na detalyado siyang magsulat,” ayon naman kay Abueg.

3. Maghanap ng “Literary Barkada”

Sina Abueg at Reyes ay kasama sa grupo na bumuo ng Agos sa Disyerto, isang antolohiyang nagsimula noong 1960 na lumabas sa Liwayway, isang lingguhang magazine. Kasama nila dito sina Dominador Mirasol, Rogelio Ordoñez, at Rogelio Sicat.

Biro ni Abueg, madalas nauuwi ang pagtitipon ng kanilang grupo sa isang “maboteng usapan.” Dagdag naman ni Rolando Tolentino, Dean ng University of the Philippines College of Mass Communications, kung noong panahon ay nagtitipon ang mga manunulat kasama ang alak, sa panahon ngayon ay milk tea na ang hilig ng mga kabataan.

Isa sa kagandahan ng pagkakaroon ng “literary barkada”— ang nakakasama at nakakausap ng manunulat tungkol sa iba't ibang bagay – ay ang malawak na paksang natatalakay sa magkakaibang pagkakataon.

“Iba't ibang personalidad dapat,” diin ni Abueg, dahil dito nagkakaroon ng magandang palitan ng ideya sa pagitan ng mga kasapi.

4. Igalang ang mga katrabaho

“Hindi lang ikaw ang gumagawa ng pelikula,” batid ni Chris Martinez, na unang sumabak sa pelikula noong 2004 sa obra niyang 'Bridal Shower.'

Kilala si Martinez bilang playwright na may-akda ng mga dula tulad ng “Last Order Sa Penguin,” na nagkamit ng first prize sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.

Kwento niya, hindi pa niya naranasan na palitan ang katapusan o simula ng kanyang pelikula pero may mga pagkakataon na kailangang baguhin ang ilang parte ng kanyang script dahil kulang sa budget, araw, at lugar.

Wika naman ni Raymond Lee, isang kilalang producer ng pelikula, “Hindi fair na kung anong sinulat mo sa paper, tapos expect mo na same [o] exact lahat.” Dapat umano mayroong “two-way street” na relasyon ang manunulat at direktor upang mapadali ang pagbuo ng pelikula.

Dagdag pa ni Lee, “Take a good script and turn it into a great film or something else.”

Sang-ayon naman dito si Auraeus Solito, na nakatrabaho ni Lee sa sikat na pelikulang 'Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros.'

“Cinema is a director's art. It's a filmmaker's medium,” ayon kay Solito.

5. Hintayin ang pagkakataon

Isa si Solito sa nagpatunay na hindi lahat ng pagkakataon ay pabor ang mundo sa iyo— kung minsan ay kailangang ibinabaul ang mga nasulat kapag walang tumatanggap, ngunit hindi naman kailangang tumigil sa paglikha ng mga istorya na gusto mo.

Nang pasukin niya ang mundo ng pelikula, ang nais ni Solito ay magbigay ng kamalayan tungkol sa kanyang tribo sa Palawan, ang lugar na pinagmulan ng kanyang ina.

Gayunpaman, ang kanyang pelikulang “Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros” ang naging daan upang makilala siya sa loob at labas ng bansa. Nagkamit ang naturang pelikula ng 15 na international awards, at napanood sa mahigit 50 na film festivals sa buong mundo.

Matapos ang tagumpay na ito, nagawa rin ni Solito sa wakas ang pelikula niya tungkol sa Palawan – ang 'Busong' na matagal niya munang ibinaon, ngunit nang magbukas ng bagong kompetisyon para sa pelikula ay ipinasa niyang muli ang naturang script. Nakapasok ang kanyang pelikula, at ipinalabas noong nakaraang linggo lang ang kasunod nito na 'Baybayin' ang pamagat.
 


 

SA HULI, ang payo ng mga manunulat ay dapat tandaan na hindi ka nag-iisa sa script na sinulat mo. Nariyan ang direktor, producer, mga aktor, costume designer, at iba pa. Upang maging maayos ang kalalabasan ng iyong kuwento, kailangang makipagtulungan sa lahat ng kasama sa produksyon tungo sa paglikha ng magandang pelikula. – YA, GMA News
 




We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus