Dingdong Dantes, 'di nabawasan ang paghanga kay Pacquiao kahit natalo kay Marquez
Inamin ng Kapuso leading man na si Dingdong Dantes na labis siyang naapektuhan nang bumagsak sa harapan nila ni Marian Rivera ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao matapos tamaan ng isang matinding suntok ni Juan Manuel Marquez nang mapanood nila ang laban sa Las Vegas. Kabilang sina Dingdong at Marian sa mga Pinoy na nagtungo sa Las Vegas para manood ng laban at magpakita ng suporta kay Pacquiao. Nitong Miyerkules, kasabay nina Dingdong at Marian na dumating sa bansa mula sa Amerika si Pacquiao, ayon sa ulat ni Lhar Santiago sa Chika Minute ng GMA news 24 Oras. Kwento ng aktor, sa ringside sila nakapwesto ni Marian at sa tapat nila bumagsak si Manny kaya naman kitang-kita nila ang mga pangyayari at labis siyang nag-aalala. Tulad ng maraming Pilipino, dala rin ni Dingdong ang lungkot sa pagkatalo ni Manny pero hindi raw nabawasan ang paghanga niya sa Pinoy boxing hero. Paniwala rin ng aktor, ang nakaraang laban ni Pacquiao kay Marquez ang pinakamagandang laban ng pambansang kamao na kanyang nasaksihan. "Kumbaga bumalik yung dating Manny, dating sigla. Magmula umpisa except sa round 3, lahat 'yon panalo siya. So nagkataon lang talaga, natiyempo sa kanya yung isang malupit na 'yon (na suntok ni Marquez)," pahayag ni Dingdong. Padapang bumagsak si Pacquiao nang tumaan ng isang matinding suntok ni Marquez sa nguso, isang segundo na lang ang nalalabi sa ika-anim na round ng laban. Ayon kay Dingdong, hindi sapat ang pagkatalong iyon para magbago ang pagtingin niya kay Pacquiao. Para sa kanya, nananatiling bayani si Manny lalo na sa larangan ng isport. Suportado rin ng aktor ang pangalong binitiwan ni Manny na muling babangon sa kabiguan iyon. "Ako naniniwala ako sa kanya. And I think that's the perfect attitude specially ng isang fighter na hindi talaga susuko gaya nga ng kanta n'ya 'di ba? Pinanindigan n'ya talaga," ani Dingdong. " At the end of the day, ginagawa n'ya 'yon para sa atin." Inspired sa Pahiram ng Sandali Pagbalik sa bansa, sumabak din kaagad sa taping ng Kapuso primetime soap na Pahiram ng Sandali si Dingdong. Ayon sa aktor, inspirado siyang magtrabaho dahil na rin sa magagandang feedback na kanilang natatanggap tungkol sa show kung saan kasama niya sina Christopher de Leon, Lorna Tolentino, Max Collins at Alessandra de Rossi. Nagpasalamat si Dingdong sa mga taong patuloy na sumusubaybay sa naturang programa na napapanood gabi-gabi sa GMA 7. - FRJimenez, GMA News