RH bill, inaprubahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa
Inaprubahan ng House of Representatives sa ikalawang pagbasa noong Miyerkules ng gabi ang reproductive health (RH) bill, na naglalayong makapaglaan ng pondo mula sa gobyerno para sa artificial contraceptives. Sa 113-104 na boto, malapit nang maipasa ang RH bill (House Bill 4244) matapos ang mahigit isang taong pagdedebate at ang dalawang-linggong amendment period. “Obviously, the crowd at the back joined the nay vote. The ayes have it,” ani Deputy Speaker Lorenzo Tañada III, presiding officer, sa sesyon noong Miyerkules. Agad namang nanawagan ng nominal vote si Navotas Rep. Tobias Tiangco upang beripikahin ang resulta mula sa voice vote. Sa nominal voting, 113 ang pabor at 104 naman ang kontra at tatlo ang 'di bumoto. Ito ang unang pagkakataong nakapasa sa ikalawang pagbasa ang RH bill sa loob ng isang dekada. Sa nagdaang limang Kongreso, sinubukang ipasa ang mga kaparehong bersyon ng panukalang-batas ngunit hindi ito nakalusot sa committee level o sa mga plenary debates ng Kamara. Nakaupo ang ilang Katolikong obispo sa House gallery nang maaprubahan sa ikalawang pagbasa ang RH bill. Tutol ang Roman Catholic Church sa RH bill dahil natural na pamaraan ng birth control lamang ang itinataguyod nito; samantalang isinusulong ng panukalang-batas ang artipisyal na pamaraan sa pagpigil ng panganganak. Sa Pilipinas, mahigit 80 porsyento sa mahigit 100 milyong Pilipino ay mga Katoliko. Matapos aprubahan sa ikalawang pagbasa ang HB 4244, kailangang makakuha muli ang RH bill ang majority vote mula sa mga miyembro ng Kamara upang tuloyang maipasa ito sa Kapulungan. 'Evil bill' Sa halos limang oras, nabigyan ng pagkakataon ang mga mambabatas na ipaliwanag ang kani-kanilang boto. Sa isinagawang nominal voting, iginiit ng mga kritiko na lumalabag ang RH bill sa batayang paniniwala ng mga Katoliko. Ito rin umano ay magiging daan tungo sa "sexual permissiveness" o walang kontrol na pakikipagtalik kung kani-kanino. Ito rin umano ay "duplication" o pag-uulit lamang sa isang umiiral na batas. Sa katunayan, tinawag ni Alliance for Nationalism and Democracy party-list Rep. Pastor Alcover Jr. ang panukalang-batas na "communist inspired" at "evil" na maaaring maging daan sa pagkakahati-hati ng sambayanan. Ayon naman kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, isa sa mga maingay sa mga tumututol sa panukala, ang pagpatutupad sa RH bill ay maaaring makasira sa "moral and religious foundation" ng bansa. “This bill is not about reproductive health. This is about killing the unborn. This bill does not protect life. It prevents and ends life.” Samantala, napagpasyahan ni Ang Galing Pinoy Rep. Juan Miguel Arroyo na tanggihan ang RH bill dahil siya ay isang Katoliko. “Hindi ko po maaaring isuko ang aking pagiging Katoliko. I always try my best to follow the teachings of my Church,” ani Arroyo. Naniniwala naman si Davao Oriental Rep. Thelma Almario na hindi dapat ipatupad ang isang batas magpapababa sa pagtaas ng populasyon sa bansa. “I’d like that in my lifetime, we will have more countries with Filipinos. We need more Filipinos so we can Filipinize the world!" Ayon naman kay Palawan Rep. Antonio Alvarez, ang RH bill ay, “mere reiteration of what the government must do.” “What is good on paper is not necessarily good in practice. All the purported things that this bill wants to accomplish are already covered by a multitude of laws,” ani Alvarez. 'Not about religion' Samantala, iginiit naman ng mga tagasuporta ng RH bill na hindi tungkol sa relihiyon ang pinag-uusapan kundi ang "sustainable human development." Ayon kay DIWA party-list Rep. Emmeline Aglipay, hindi umano binuo ang panukala para sa isang partikular na relihiyon, kundi upang masiguro ang obligasyon ng estado sa lahat ng relihiyon. “To reject the RH bill is to discriminate against the poor. I am not against life. I am against ignorance,” ayon sa mambabatas. Dinipensahan naman ni Bayan Muna party-list Rep. Teodoro Casiño ang probisyon sa "sexuality education" ng RH bill sapagkat hindi umano nito isinusulong ang "promiscuity," o ang kawalang kontrol sa pakikipagtalik kung kani-kanino ng mga kabataang Pilipino. “I studied in a Catholic school. Itinuro po sa amin ang sexuality education Grade 4 pa lang. Hindi naman po ako lumaking manyak!” Para naman kay Albay Rep. Edcel Lagman, pangunahing nagtutulak sa RH bill, na sinisiguro ng panukala ang proteksyon ng karapatang pantao. “The bill does not follow a particular family planning method. The choice belongs to couples and women. The bill pursues a sound population policy that addresses the population issue,” aniya. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News