Justin Bieber nanganganib madeklarang persona non grata sa bansa dahil sa panlalait kay Pacquiao
Dahil sa kanyang mga umano'y “distasteful” na komento laban kay dating world boxing champ Manny Pacquiao, nanganganib na madeklarang persona non grata sa bansa ang Canadian popstar na si Justin Bieber. Sa Resolution 2962 na inihain sa Kamara, hiniling ng ilang mambabatas kay Bieber na magbigay siya ng public apology kay Pacquiao at sa mga Pilipino dahil sa mga umano'y "hurting and insulting" na komentong kanyang na-post sa Internet. “Mr. Justin Bieber should have been more circumspect and prudent in the expression of his views more particularly because just like Honorable Pacquiao, he is supposedly also being idolized by the youth,” ayon sa mga mambabatas. Ang mga mambabatas na naghain ng resolusyon ay sina YACAP party-list Rep. Carol Jayne Lopez, Manila Rep. Amado Bagatsing, Zamboanga del Norte Rep. Seth Jalosjos, Palawan Rep. Antonio Alvarez, PBA party-list Rep. Mark Aeron Sambar, AKO BICOL party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. at Ating Koop party-list Rep. Isidro Lico. Noong nakaarang linggo, napatumba ng Mehikanong si Juan Manuel Marquez si Pacquiao sa ika-6 round ng kanilang ikaapat na laban sa Las Vegas. Ilang araw matapos nito, nag-post si Bieber ng mga litratong tila kinukutya si Pacquiao sa kanyang Instagram. Inihayag din ng popstar na walang mapapala si American boxer Floyd Mayweather Jr. kapag lumaban siya kay Pacquiao. Nakatakdang tumakbo si Pacquiao, na isa ring miyembro ng Kamara, sa 2013 elections para ipagpatuloy ang kanyang termino bilang kinatawan ng Sarangani. Siya ang pinakamayamang mambabatas sa buong bansa noong nakaraang taon, at isa sa mga top absentees sa mababang kapulungan. Kinakailangang maaprubahan muna ng mayorya ng Kamara, na may 285 miyembro, ang resolusyon bago ito maisulong. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News