ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

2 suspek sa pagpatay sa alkalde ng Infanta, Pangasinan, hawak na ng pulisya


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dalawang suspek sa pagbaril at pagpatay sa alkalde ng Infanta, Pangasinan nitong Sabado ang nadakip ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police (PNP-CIDG). Sa ulat ni Ronald Umangay ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabing patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya para matukoy ang motibo sa pagpatay kay Mayor Ruperto Martinez. Isa sa mga anggulong tinututukan ng mga pulis ay ang pagsusulong umano ni Martinez sa operasyon ng mining port sa Infanta na tinututulan ng ilang environmentalist groups. Dumadaong sa mining port sa Brgy Catu, Infanta na nagsimulang mag-operate noong nakaraang taon ang mga dayuhang barko na nagkakarga ng mineral na nickel na nagmumula sa kalapit na lalawigan ng Zambales. Reklamo ng mga environmentalist group, bukod sa paglabag sa karapatang pantao ng mga residente sa lugar, magdudulot din umano ito ng peligro sa kalusugan ng mga taon, at magdudulot din ng polusyon sa karagatan. Kinumpirma naman umano ng municipal administrator na walang business permit ang mining port para mag-operate sa baybayin. Wala pang reaksiyon dito ang pamunuan ng pantalan, ayon sa ulat. Isa pang anggulong tinitingnan ng mga imbestigador ay pulitika dahil plano umanong tumakbo ni Martinez na bise alkalde sa pagtatapos ng termino nito bilang alkalde sa 2013. Inalis naman ang anggulo ng jueteng operation sa pagpatay sa alkalde na kaalyado umano ni Pangasinan Amado Espino Jr. Kamakailan ay inakusahan ni Bugallon, Pangasinan Mayor Rodrigo Orduña na tumatanggap ng jueteng payola si Espino. Itinanggi naman ni Espino ang akusasyon at iginiit na pulitika ang motibo sa pagdadawit sa kanya sa jueteng. - FRJ, GMA News