ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Suspension order, ipinapapigil ni Cebu Gov. Gwen Garcia sa korte


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Dumulog sa Court of Appeals (CA) si Cebu Governor Gwendolyn Garcia nitong Biyernes para pigilin ang pagpapatupad ng suspension order na ipinalabas laban sa kanya ng Department of Interior and Local Government (DILG). Sa inihaing petisyon, hiniling ng kampo ni Garcia na magpalabas ng temporary restraining order (TRO) ang CA kontra sa suspension order. Sa pag-raffle sa petisyon, napunta ito sa 10th division na hawak ni Associate Justice Vicente Veloso. Ayon sa source ng GMA News Online sa CA, masusing pinag-aaralan ng mga abogado ng nasabing dibisyon ang petisyon ng kampo ni Garcia. Idinagdag ng source na posibleng hindi maaksyunan ng CA ang petisyon sa loob ng isang araw dahil sa dami ng mga dokumento na nakapaloob sa petisyon. Ang 6-months suspension order ng DILG laban kay Garcia ay bunga ng kinakaharap na administrative case ng gobernador na nakabinbin noon pang 2010. Ang reklamo ay isinampa ng namayapang si vice governor Gregorio Sanchez Jr. Sa reklamo, inakusahan ni Sanchez si Garcia na nagmalabis sa kapangyarihan nang bawasan ang pondo ng Office of the Vice Governor, pagkuha ng mga consultant at maging ng empleyado. "Over my dead body" Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, nanindigan si Garcia na hindi aalis sa puwesto kahit pinanumpa na bilang acting governor ang kasalukuyang bise gobernador ng lalawigan na si Agnes Magpale. “And if they want to stop me, then they’ll have to do that over my dead body," ayon kay Garcia. Ina rito, inakusahan ni Garcia na pulitika ang nasa likod ng kanyang suspension order para mahawakan umano ng administrasyon ang Cebu na mayroong malaking bilang ng mga botante. Kapartido sa Liberal Party ni DILG Sec Mar Roxas si Magpale. Habang kaalyado naman ng United Nationalist Alliance (UNA) si Garcia. Pero iginiit ni Roxas na nagkataon lamang na ngayon naipatupad ang suspension order na hinawakan din ng namayapang si DILG Sec. Jesse Robredo. Umapela rin ang Malacañang kay Garcia na tanggapin ang suspension order ng DILG at ipaubaya kay Magpale ang kapitolyo habang naghahanap ito ng iba pang legal na paraan sa kinakaharap na kaso. — FRJ, GMA News