'Kamatis King,' itinanghal sa Laoac, Pangasinan
Sa pag-ubos ng 100 gramo ng kamatis sa loob lang ng tatlong minuto, isang magsasaka sa Laoac, Pangasinan ang itinanghal na “Kamatis King" sa idinaos na Kamatis festival. Sa ulat ni Jett Arcillana ng GMA-Dagupan sa Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Biyernes, nanalo sa paligsahan sa pabilisan at paramihan ng nakaing kamatis si Jerry Castro. Ayon kay Castro, hindi na nagsanay ang mga kalahok dahil ito naman daw ang kanilang pagkain sa araw-araw. Ang kamatis ang pangunahing produkto ng Laoac. Tinatayang 24 na toneladang kamatis ang inaani ng mga magsasaka sa isang hektaryang taniman. Bukod sa paramihan ng nakain na kamatis, nagkaroon din ng kontes para sa pinakamabigat na kamatis at pasarapin ng luto na may sanggap na kamatis. Maliban sa magandang kabuhayan na hatid ng kamatis, maganda rin ito sa kalusugan dahil mayaman ang kamatis sa vitamin Cat A at mayroon din itong lycopene na nakatutulong sa paglaban sa sakit. - FRJ, GMA News