ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Panukalang batas para itaas ang personal exemption ng individual taxpayer, inihain sa Kamara


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Mula sa kasalukuyang P50,000, nais ng isang mambabatas sa Kamara de Representantes na itaas sa P75,000 ang basic personal exemption para sa individual taxpayers. Sa panukalang batas na inihain ni ACT party-list Rep. Antonio Tinio, nais din nitong magkaroon ng karagdagang exemption sa dependents ng taxpayer na nagkakahalaga ng P40,000 mula sa kasalukuyang P25,000. Kung magiging batas ang panukala, sinabi ng kongresista na aabot sa 69 percent ang maiuuwing non-taxable income ng mga karaniwang kawani bawat taon. Samantala, ang mga middle-level government employees at minimum wage earner ay makapag-uuwi ng 34 percent at 53 percent sa kanilang sahod, batay sa pagkakasunod. Ang kasalukuyang basic personal exemption ngayon ay 46 percent ng annual salary ng government employee na P9,000 per month; 22 percent sa middle-level government employee na may sahod na P18,549 per month; 3 percent sa Salary Grade 33 na P120,000 per month, at 35 percent sa minimum wage na may kitang P11, 780 per month. Iginiit ni Tinio na ang kanyang panukala ay naaayon sa itinatakda ng Saligang Batas na, " taxation must be equitable and progressive." “By these principles, income earners from the lowest strata, especially purely compensation income earners, are to be taxed less and given more opportunities to decrease their taxable incomes. They comprise the majority of the income taxpayer base, and the State can do no less than increase the amounts they can take home to their families," paliwanag ng mambabatas. Ang pinakahuling adjustment sa personal exemption ay isinagawa umano noong 2008 kung saan itinaas ito sa P50,000 at additional exemption na P25,000 para sa dependent. Pero paliwanag ni Tinio, hindi ito sapat dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng halaga ng mga bilihin. - RP/FRJ, GMA News