ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Janine Tugonon, bibigyan ng parangal sa Bataan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

BALANGA City, Bataan- Bibigyan ng parangal ng Bataan si Miss Universe 1st runner-up Janine Tugonon sa sandaling bumalik na siya sa kanilang bayan sa Orion.   Ito ang sinabi nina Mayor Joel Payumo at Gov. Enrique Garcia  sa magkahiwalay na panayam nitong Biyernes.   Ayon kay Payumo, pangulo ng Liga ng mga Munisipyo sa Bataan, isang karangalan si Janine ng lalawigan.   “Bilang pangulo ng Liga, mag-uusap kami ng mga mayor upang bumuo ng plano sa pagbibigay ng parangal o pagkakaloob ng sertipikong pagkilala kay Janine dahil sa honor na ibinigay niya sa Bataan," pahayag ng alkalde nitong Biyernes. Kukonsultahin din umano ang alkalde ng Orion upang malaman kung ano ang balak nito sa pagbabalik ni Janine na kababalik lang sa bansa nitong Sabado mula sa Amerika. Handa umano nilang suportahan ang anumang magiging plano sa pagkakaloob ng hero's welcome kay Janine.   Sinabi naman ni Governor Garcia na maghihintay sila ng pasabi kung kailan libre si Janine sa pag-uwi sa Orion.   Ayon naman kay Loida Santos, kapitana ng barangay Wakas, handa silang salubungin si Janine sa sandaling magbigay sa kanila ng abiso ang kanilang alkalde.   “Mabait, matalino, hindi gala si Janine. Lagi lang sa bahay," kwento ng kapitana, na inayudahan naman ng ilan pa nitong kapitbahay na sina Lolita Llamzon at Lina Tajulad. Idinagdag ni Rod Bautista, dating namemake-up artist kay Janine ng bata pa ito, na masunurin at hindi mareklamo ang beauty queen. – Ernie Esconde/FRJ, GMA News