Sitwasyon sa kapitolyo ng Cebu, 'back to normal' na, ayon kay Valte
Inihayag ng tagapagsalita ng Malacañang na balik na sa normal ang sitwasyon sa kapitolyo ng Cebu matapos ang ilang araw na tensiyon bunga ng pagkakasuspindi kay Cebu governor Gwendolyn Garcia. Sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado, sinabi deputy presidential spokesperson Abigail Valte, na batay sa natanggap niyang ulat mula sa Department of Interior and Local Government (DILG) Central Visayas, balik na ang operasyon sa kapitolyo sa ilalim ng pamamahala ng acting governor na si Vice Governor Agnes Magpale. “Pinanumpa na ang vice governor at ang report ng DILG-7 ay nag-normalize na ang operations sa capitol," ayon kay Valte. Nagkaroon ng tensiyon sa kapitolyo nang hindi sundin ni Garcia ang suspension order na ipinabas ng DILG bunga ng kinakaharap nitong reklamo na isinampa ng dating bise gobernador ng lalawigan noong 2010. Ilang tagasuporta rin ni Garcia ang nagbarikada sa kapitolyo pero nagawa ring mapaalis ng mga pulis. Subalit nanindigan na hindi aalis sa kanyang puwesto si Garcia na tinawag na pulitika ang nasa likod ng ipinalabas ng DILG kung saan sinususpindi siya sa loob ng 60-araw o dalawang buwan. Habang iniaapela ni Garcia sa korte ang kanyang kaso upang makakuha ng temporary restraining order (TRO), nanawagan ang Palasyo na kilalanin at sundin nito ang kautusan ng DILG. Iginiit ni Valte na dapat sundin ng lahat ng pinuno ng bansa ang pag-usad ng batas. “If you are confident the decision by the Office of the President was baseless, then you should have no problem going to court and asking for relief," ayon kay Valte . “Let’s stick to the process lalo (especially) our public officials who are mandated to be the ones to execute the law, we cannot be the first to break it," dagdag niya. — FRJ, GMA News