ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Katangian ng mga Pinoy, binigyan halaga ni Aquino sa kanyang Christmas message


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa kanyang Christmas message ngayong taon, binigyang halaga ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III ang katangian ng mga Pilipino na matapat at mapagmalasakit sa kapwa. "Sa ngalan ng buong pamahalaan, nagpapasalamat ako sa lahat ng Pilipinong nakiambag sa pagtatag ng kultura ng katapatan at malasakit sa kapwa. Dahil sa kakaibang pagsusumikap na ipinakita sa tuwid na daan, higit na nagiging makabuluhan ang Paskong Pilipino," nakasaad sa mensahe ni Aquino na makikita sa website ng Official Gazette. Ang naturang Christmas message ay napapakinggan na sa government-run dzRB radio, at napapanood na rin sa Radio-TV Malacañang's channel sa YouTube. Nabanggit din ni Aquino sa kanyang mensahe ang papel ng mga Pilipino sa Sitio Electrification Program at sa Conditional Cash Transfer. Nagpasalamat din siya sa pagtalikod umano ng mamamayan sa negatibismo’t agam-agam kapalit ng pagsaklaw sa positibong pagtanaw. "Hindi pa rin nagbabago: Kayo ang lakas ng gobyerno. Malinaw po: Ang bawat butil ng tagumpay na ating inaani ay nagmula sa ipinunlang pagsusumikap ng sambayanan; Kayo po, ang aming mga Boss, ang gumawa nito," ayon sa pangulo. Sa kabila nito, ipinaalala ni Aquino sa mga Pilipino na sa kabila ng kasiyahan ay hindi dapat kalimutan ang tunay na kuwento sa likod ng Kapaskuhan, "ang pag-aalay ng Panginoon ng kaniyang bugtong na anak para tubusin ang sangkatauhan mula sa kasalanan." "Ang okasyong ito, higit sa lahat, ay tanda ng wagas na pagmamahal ng Panginoon sa atin," paalala niya. -- FRJ, GMA News video uploaded by RTVMalacanang

Tags: pasko