ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Suspendidong gobernador, nagpasko sa kapitolyo ng Cebu


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Inilarawan ng suspendidong gobernador ng Cebu na si Gwendolyn Garcia na "most unique celebration" ng kanyang buhay ang pagdiriwang ng disperas ng Pasko sa kapitolyo kasama ang kanyang pamilya at mga kaibigan. Sa mensaheng inilagay ni Garcia sa kanyang Twitter account, iginiit nito na hindi siya bababa sa puwesto matapos na suspendihin siya ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa loob ng anim na buwan. Patuloy umano niyang kukuwestiyunin ang naturang kautusan ng DILG na nagmula sa reklamong inihain laban sa kanya ng pumanaw na dating bise gobernador ng lalawigan noong 2010. Pinasalamatan din ng gobernador ang mga taong nagpaabot sa kanya ng suporta at pag-aalala. Nitong Linggo, binisita si Garcia ng mga lider ng United Nationalist Alliance (UNA) na sina Vice President Jejomar Binay, dating Pangulong Joseph Estrada at Senate President Juan Ponce Enrile. Tinawag ng UNA na "power grab" ang suspension order kay Garcia ng DILG na pinamumunuan ngayon ni Sec. Mar Roxas, na kasalukuyan ding presidente ng Liberal Party. Naghain na ng petisyon sa Court of Appeals si Garcia para hilingin sa korte na magpalabas ng temporary restraining order laban sa kautusan ng DILG. "It's not about the humility to step down. It is all about the courage to stand firm for what is right," ayon kay Garcia. "I love Cebu too much to turn my back on the mandate the Cebuanos have given me." Sa kontrobersiyal na 2004 presidential elections, ang malaking boto ng Cebu ang pinapaniwalaang nagpapanalo kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo laban sa mahigpit nitong naging katunggali na si Fernando Poe Jr., na kaalyado noon nina Estrada at Binay. - Mandy Fernandez/RSJ/FRJ, GMA News