ADVERTISEMENT
Filtered By: Pinoyabroad
Pinoy Abroad

Kwentong Kapuso: Paskong Pinoy sa ibayong dagat


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Malalim na ang gabi ngunit mabibilang pa rin ang mga bituin sa kalangitan Sa makakapal at maiitim na ulap doon sila’y nawiwiling magkublian Nais mang hawiin ay patuloy pa ring kinakanlong ang mumunting liwanag sa kaitaasan Darating pa kaya ang Pasko kung di ko masisilayan ang bituin sa kalawakan? Malamig ang simoy ng hangin dito sa Gitnang Silangan Hanging humihilamos sa napapanglaw kong kaisipan Patuloy na naghahanapbuhay sa gitna ng kadiliman Habang ang lahat ay abala sa pagdiriwang ng Kapaskuhan Sa aking paglalakad ay sinisipa-sipa ang mumunting bato Habang tumutulo ang luha sa pangungulila ngayong Pasko Ano kayang ginagawa nilang mga mahal ko Tulugan na kaya sila o sa Noche Buena’y nagsasalo-salo? Hindi ko maiwasang makaramdam ng inggit sa pamilyang sama-sama Lalo’t higit sa kapaskuhan sila’y buo’t maligaya Wala mang handa sa hapagkaina’y matutulog pa rin ng payapa Sapagkat batid nilang sa pagmulat ng mata sa umaga ng Pasko ...sila’y magkakasama Minsan hindi nga lamang pera ang katapat ng kasiyahan sa buhay Simpleng bagay na magkasama lamang kayo’y kayamanang tunay Hindi matutumbasan ang ligayang dulot ng nararamdamang kapayapaan Na sa ano mang oras mong naisin sila’y mayayakap mo’t mahahagkan Papahirin ang luhang unti-unting dumadaloy sa nanlalamig na pisngi Pipiliting ngumiti kahit nangangatal na ang mapuputla kong labi Sasariwain ang mga nakaraang naglalaro sa nanlulupaypay kong muni Maramdaman lamang ang pagmamahal nila kahit ilang sandali Subalit kailangang magmulat ng namumugtong mga mata Kailangang harapin ang kasalukuyan at piliting huwag mangamba Hindi man sila kapiling alam kong nababatid nila Na dito sa aking puso’t isipan sila’y habambuhay na makakasama Hindi ko man makita ang ilang bituin sa aking kalangitan Marahil mas kailangan nila ito ngayon sa Pilipinas sa kanilang pagdiriwang Mananalangin na lamang ako’t Siya’y pasasalamatan Sapagkat batid kong marami pang kapaskuhan ang aming pagsasaluhan Darating din ang araw na kami’y muling magkakasama-sama Hindi pa man sa ngayon ngunit batid kong ito’y ipagkakaloob Niya At sa araw na iyo’y magdiriwang kami at patuloy na magsasaya At pipilitin na ang bawat araw na aming pagsasaluha’y Pasko lagi ang kapara. Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon mga kababayan ko sa loob at labas ng Pilipinas Sumainyo nawa ang pagmamahal at kapayapaang dala ng Tagapaglistas Huwag kalimutang magpasalamat sa mga biyayang tinatanggap mula sa Itaas At ang diwa ng Kapaskuha’y isabuhay ngayon at sa darating pang mga bukas! - ni Gilson B. Aceveda