DAR Sec. delos Reyes, pinagbibitiw ng opisyal ng CBCP
Hiniling ng isang lider ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang pagbibitiw ni Agrarian Reform (DAR) Secretary Virgilio delos Reyes na hadlang umano sa katuparan ng pangako ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III, na tapusin sa ilalim ng kanyang liderato ang programa sa repormang agraryo. Sa panayam ng isang himpilan ng radyo, ipinaalala ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-NASSA, kay Aquino ang ipinangako nito sa mga magsasaka na tatapusin ang implementasyon ng Comprehensive Agrarian Reform Extension with Reform o CARPER bago matapos ang kanyang termino sa 2016. (Basahin: PNoy renews promise to finish land redistribution by 2016) “Malaki pa ang dapat tapusin sa programa kaya ang panawagan natin sa pamahalaan lalong lalo na sa Presidente na siyang taga-pagpatupad ng batas ay iimplementa ang batas ng CARPER," pahayag ni Pabillo sa panayam ng Radio Veritas nitong Huwebes. "At anumang hadlang sa pagpapatupad na ito ay dapat tanggalin, anumang burukrasya, anumang kulang ng resources, anuman ang leadership na humahadlang sa pagpapatupad ng batas ay dapat tanggalin," mungkahi pa ng obispo. Sinabi ng obispo na kabilang sa mga balakid sa programa ay ang mismong pinuno ng DAR na hindi umano nagbibigay ng tunay na datos tungkol sa programa. “Marami siyang (delos Reyes) mga datos na ibinibigay na matatapos daw. Pero 'yan po ay mga teoriya lamang. Pagpunta natin sa ground mismo, nakikita namin na marami ay hindi naipapatupad. Ibig sabihin, under-performing ang secretary, at ito ay magre-reflect sa pamahalaan, sa Presidente kung gaano siya kaseryoso na tapusin itong CARPER," patuloy ng obispo. Hamon ni Pabillo kay delos Reyes, nagbitiw sa puwesto kung talagang may pagmamalasakit ito sa mga magsasaka. - MP/FRJ, GMA News