Anda at Bolinao sa Pangasinan, ligtas na sa red tide; pero mga bangus, nadali naman ng fish kill
Inalis na ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang red tide alert sa karagatan ng Anda at Bolinao sa Pangasinan. Samantala, 600 kilo naman ng bangus na hinihinalang biktima ng "fish kill" sa nabanggit na dalawang bayan ang nasabat sa Alaminos. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Huwebes, sinabing nagnegatibo na sa paralytic shellfish poisoning ang sample ng tubig na sinuri ng regional office ng BFAR sa Anda at Bolinao. Idineklara ang red tide alert sa dalawang nabanggit na bayan noong nakaraang Oktubre. Ikinatuwa ng mga nagtitinda at nanghuhuli ng shellfish at alamang ang pagkakaalis ng red tide alert. Fish kill naman Samantala, nangamatay naman ang mga bangus sa may 200 fish pen sa Bolinao at Anda nitong Miyerkules. Hinihinala ng BFAR na overstocking o sobrang paglalagay ng bangus sa isang fish pen ang dahilan ng fish kill. Kasunod nito, nasabat ng mga awtoridad sa Alaminos ang isang trak na naglalaman ng may 600 kilo ng bangus na hinihinalang nanggaling sa fish kill dahil maputla ang hasang ng mga isda. Sa kabila ng kaduda-duda umanong dokumento, iginiit ng mga nagdala ng isda na hindi kasama sa fish kill ang dala nilang mga bangus. - FRJ, GMA News