ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Korte, dapat madaliin ang pagdinig sa petisyon ni Cebu Gov. Garcia, ayon kay Belmonte


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Malaki umano ang maitutulong ng Court of Appeals (CA) para mabawasan ang tensiyon sa Cebu kung magpapalabas kaagad ito ng desisyon sa petisyon na inihain ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia na humihiling na pigilin ang pagpapatupad ng suspension order na ipinalabas laban sa kanya ng Department of Interior and Local Government (DILG). Ito ang inihayag ni Speaker Feliciano Belmonte Jr. nitong Huwebes, kasabay ng paggiit na dapat manaig ang "rule of law" sa problemang kinakaharap ngayon ng gobernadora. Ang pahayag ay ginawa ni Belmonte bunga na rin ng paglalagay ng kulay pulitika ng mga kaalyado ni Garcia sa ipinalabas na six-months suspension order ng DILG na pinamumunuan ngayon ni Secretary Mar Roxas. “I myself want to let the course of justice do its job. I'm sure the Court of Appeals will be mindful of the fact that there are tensions there and hopefully speed up their deliberations," paliwanag ng kongresista nang makausap ng media nitong Huwebes matapos ang necrological services sa Kamara sa pumanaw na si Bohol Rep. Erico Aumentado. Iginiit ng mga kaalyado ni Garcia na politically motivated ang suspension order ng DILG dahil kaalyado ng United Nationalist Alliance (UNA) ang gobernadora. (Basahin: VP Binay backs suspended Cebu governor, on collision course with PNoy) Nais lang umanong makontrol ng Liberal Party (LP) na pinamumunuan din ni Roxas ang kapitolyo ng Cebu bilang paghahanda sa darating na 2013 elections. Iginiit naman ng Malacanang na walang pulitika sa naturang suspension order, at iginiit na dapat isilbi ang naturang kautusan ng DILG dahil sa reklamo ng dating bise gobernador ng Cebu kay Garcia noong pang 2010. (Basahin: No LP-led 'martial law' in Cebu — Lacierda) “I think they're trying to inject politics into it. It's a simple administrative case and I don't think anybody is being harassed by the LP (Liberal Party)," ayon kay Belmonte, opisyal din ng LP. Ngunit tulad umano ng ibang telenobela na madrama, sinabi ni Belmonte na magkakaroon din ng katapusan ang nangyayari ngayon sa Cebu. “Like all dramas, things will come to an end. I just hope it will be something that can be accepted by anybody," dagdag ng kongresista. Kasabay nito, sinabi naman ni Eastern Samar Rep. Ben Evardone, tagapagsalita ng LP, na ang pagbisita ng mga lider ng UNA kay Garcia sa Cebu ay lalo lang nagpaapoy sa depensang pulitika ang motibo ng pagsuspindi sa gobernadora. Giit ng kongresista, nang masuspindi ang mga kasapi ng LP na sina Kalinga Gov. Jocel Baac at Caloocan City Mayor Enrico Echiverri, hindi umano nakialam ang mga lider ng partido at hinayaan nilang umusad ang batas. - RP/FRJ, GMA News