GMA News Online
Ulat Filipino
»
Talakayan

Mga tagumpay ng administrasyong Aquino ngayong 2012, tagumpay din ba ng mga Pilipino?

December 29, 2012 4:59pm
Sa pagtatapos ng taong 2012, nagpalabas ng pahayag ang Palasyo tungkol sa mga nagawa ng administrasyon ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III. Kabilang sa ipinagmalaking tagumpay ng pamahalaan ay ang pagbabalik umano ng kumpiyansa ng ibang bansa sa Pilipinas.

Sa taong ito, sinasabing naipakita ni Aquino ang kanyang “political will" sa pagsusulong ng ilang kontrobersiyal na panukalang batas tulad ng reproductive health bill at sin tax bill. Nagkaroon din ng direksiyon sa itinutulak na usapang pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) na inaasahang susi sa kapayapaan sa Mindanao.

Itinuturing din ng administrasyon na malaking tagumpay ang pananatili ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa "hospital arrest" dahil sa mga kasong katiwalian na kinakaharap nito.

Bukod pa diyan ang pagkakaalis kay dating Chief Justice Renato Corona na inakusahang hindi nagdeklara ng kanyang tamang mga ari-arian sa Statement of Asset, Liabilities and Networth.

Ayon sa Palasyo, ang ginawang hakbang ng pamahalaan kina Arroyo at Corona ay paghahatid ng malinaw na mensahe na walang sinuman ang makahihigit sa batas.

Idagdag pa ang panunumbalik umano ng kumpiyansa sa bansa ng mga dayuhan para mapagkakatiwalaan nila sa paglalagak ng mga negosyo. Hindi rin siyempre mawawala sa kanilang ulat ang sinasabing paglago ng ekonomiya ng bansa ngayong taon.

Pero sa kabila ng lahat ng ito, masasabing bang tagumpay din ng mga Pilipino ang nakamit na tagumpay ng pamahalaan? Narito ang buong detalye sa ulat ng Palasyo:

Ukol sa mga Tagumpay ng Administrasyong Aquino sa Taong 2012

"Nang bigyan ng di-matatawarang mandato ng sambayanang Pilipino si Pangulong Benigno S. Aquino III noong 2010, may ilang nagdududa pa rin sa hangganan ng repormang kaya niyang maipatupad, dahil na rin sa dinatnan at minanang kultura ng katiwalian at kawalan ng tiwala sa ating pamahalaan.

Sa mga napagtagumpayan ng administrasyong Aquino nitong 2012, marapat nang matuldukan ang mga agam-agam na ito. Sa sariling bayan man, o sa ibang panig ng daigdig, kinikilala na ang Pilipinas bilang sandigan ng estabilidad at mabuting pamamahala. Sa puspusang pagsusumikap, sa agaran at wastong pagpapasya, at sa matibay na paninindigang politikal, naitatag ng Pangulo ang mga pundasyon para sa hustisya at kaunlarang pangkalahatan. Sa kabila nito, patuloy pa rin ang paglilinis niya sa burukrasya, ang pagtatanggal ng burak sa sistema, at pagtutok sa pagpapanumbalik ng tiwala ng bayan sa mga pampublikong institusyon.

Matapos ang halos isang taong panawagan sa isang “all out war" laban sa mga rebeldeng Moro, na tinugunan naman ng isang “all out justice" na paninindigan ng Pangulo, lumagda ang MILF at GRP sa isang makasaysayang Framework Agreement na magbibigay-daan sa isang pinal, at pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao. Isa ito sa mga unang matagumpay na diyalogo sa pagitan ng gobyerno at ng isang rebeldeng kilusang Muslim sa makabagong panahon, at maaaring magsilbing ehemplo sa buong mundo sa mapayapang paraan ng pagtugon sa mga kaugnay na tunggalian.

Habang nailalatag at nagsisimula nang maramdaman ang kapayapaan sa katimugan, nakararanas naman ng panibagong diwa ng katarungan at pagkakapantay-pantay ang buong bansa. Matapos ihayag ng Pangulo ang reporma sa hudikatura bilang isa sa kanyang mga pangunahing agenda sa tuwid na daan, pinatawan ng impeachment ng Kamara de Representantes si dating Chief Justice Renato Corona ukol sa mga alegasyon ng pagkakanulo sa tiwala ng publiko. Hindi naglaon, nahatulan at natanggal siya sa puwesto sa boto ng mga Senador. Nagbunsod ito sa pag-usbong ng isang hudikaturang kinakatawan, hindi ng pagkukubli at padrino, kundi ng katapatan at kahusayan. Ang pagtatalaga kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, at pagkatapos, kay Associate Justice Marvic Leonen, ang nagsisiguro sa patuloy na pag-arangkada ng reporma sa sangay ng hudikatura.

Malinaw ang nais nating iparating: kung maaaring matanggal sa poder ang isang Punong Mahistrado—at mailagay sa hospital arrest ang isang dating pangulo dahil sa pandarambong at pandaraya sa eleksyon—walang sinuman ang makahihigit sa batas. Ang krimen ay krimen, anuman ang yaman o katayuan ng nagkasala. Ito ang prinsipyong gumabay sa desisyon ni Pangulong Aquino nang lagdaan niya upang gawing batas ang Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Act, ang unang batas tulad nito sa Asya, na ginagawang krimen ang sapilitan at di-makatwirang paghuli sa mga sibilyan. Pinapangalagaan ng batas na ito ang mga kalayaang sibil ng ating mamamayan. Patunay ito sa paninindigan ni Pangulong Aquino para sa karapatang pantao. Sa mga repormang tulad ng mga ito, pinalalakas natin ang sistema kung saan ang batas ay sandigan ng taumbayan at gabay nila tungo sa kanilang kaunlaran. Walang duda, tumutungo tayo sa isang lipunan kung saan pagkakapantay-pantay ang namamayani at kung saan binibigyang-lakas ng pamahalaan ang taumbayan.

Kitang-kita na kaagapay ng mamamayan ang pamahalaan sa pamumuhunan nito sa edukasyon, kalusugan, at mga programang kontra-kahirapan. Sa nakalipas na taon, dramatikong tumaas ang budget ng mga ahensyang tulad ng Department of Health, Department of Health, at Department of Social Welfare and Development (na nangunguna at nangangasiwa sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program). Patunay ito sa dedikasyon ni Pangulong Aquino na iangat tungo sa kaginhawaan ang mga kababayan nating nasa laylayan ng lipunan.

Pinasa ng Kongreso ang Responsible Parenthood Law upang palawigin ang sakop ng kalusugang pampubliko. Layunin ng batas na bigyang-kakayahan ang mamamayan na tugunan ang mga suliraning may kinalaman sa reproductive health. Sa ganitong paraan, nagkaroon ng kalutasan ang isang masalimuot na isyu na humati sa opinyon ng bayan. Kalusugang pangkalahatan din ang nagtulak upang maipasa ang Sin Tax Reform Act. Matapos ang ilang taon ng debate, sa harap ng mga kontra sa pagsasabatas nito, tumugon ang Kongreso sa kahilingan ng Pangulo na gawing urgent ang pagpasa ng panukalang batas bago matapos ang taon. Pinuri ng mga mambabatas, komentarista at media ang Pangulo sa pagpapakita ng paninindigan sa lahat ng ito.

Ang mga repormang itinulak ng Pangulo ay kaalinsabay ng lumalago nating ekonomiya. Sa harap ng kawalang katiyakan sa pandaigdigang merkado, patuloy na lumalakas ang ating ekonomiya at kontrolado ang inflation rate ng bansa. Ang GDP para sa ikatlong bahagi ng 2012 ay pumalo sa two-year high na 7.1 na porsyento—na pinakamataas sa Timog Silangang Asya. Tanda ito na ang Pilipinas ang isa sa pinakamalakas na ekonomiya sa buong Asya. Samantala, ilang ulit na nahigitan ang Philippine Stock Exchange index ngayong taon at naabot ang 5,800 mark, lampas sa inaasahan ng marami. Lumakas din ng anim na porsyento ang Piso ngayong taon at inaasahang lalakas pa ito sa susunod na taon.

Ang mga positibong bungang ito ay higit pang pinatitingkad ng isang administrasyong nagagawang panatilihin ang disiplina sa pananalapi, magpunla ng mga reporma tungo sa de-kalidad na pampublikong paggugol, at mamuhunan sa panlipunan man o sa pisikal na mga imprastraktura. Patunay dito ang 2.006-trilyong pisong General Appropriations Act ng 2013, na mas mataas nang 10.5 porsyento kumpara sa budget ng 2012. Ipinagpapatuloy ng 2013 GAA ang tradisyon ng napapanahong pagpapasa ng taunang pondo sa ilalim ng administrasyong Aquino, kung saan naiiwasan ang pagtagas na maaaring idulot ng mga pag-amyenda't panibagong pagpapasa, at sumasalamin sa determinasyon ng pamahalaan sa matapat at matinong paggugol sa bawat piso ng kaban ng bayan.

Natatamo ngayon ng Pangulo, hindi lamang ang highest sustained public approval ratings sa ating kasaysayan, kundi maging ang pagkilala sa kaniya ng pandaigdigang komunidad bilang isang tunay na pinuno sa ugnayang panlabas.  Pinangunahan ng Pilipinas ang pagtataguyod ng isang diplomatikong sandigan, kung saan napapanatili ang kapayapaan, namamayani ang pangkalahatang interes, at natitimbang ang bawat panig ukol sa mga isyung teritoryal. Dahil sa paninindigan ni Pangulong Aquino, umani siya ng pagkilala't respeto mula sa kanyang mga kapwa lider sa pandaigdigang entablado.

Habang ang nakalipas na dalawa't kalahating taon ay panahon ng patuloy na reporma para sa bansa, ang 2012 ay malinaw na taon ng pagkukumpuni't muling pagtindig. Saksi tayo sa makabuluhang bunga ng paninindigang politikal na ginagamit nang tama at para sa tunay nitong layunin, mulat na ang kapangyarihan ng mga lingkod-bayan ay nagbubukal mula sa taumbayan, upang maisulong ang interes ng sambayanan. Wala pong duda: sa mahabang panahon, ang 2012 ang pinakamatagumpay at pinakamatayog na taon para sa Pilipinas. Panahon rin ito ng pagbubunyi't karangalan para sa reklamasyon ng Pilipinas bilang isa sa mga bansang tinitingala ng mundo.

Sa taong 2012, binago natin ang sistema, pinatag ang mga lubak na idinulot ng katiwalian ng nakaraan, at higit pang nanindigan na ang tuwid na daan lamang ang landas na ating tatahakin. Sa kabila ng mga trahedyang sumapit sa atin— mula sa mga kalamidad, hanggang sa pagpanaw ng isang tunay na ehemplo ng serbisyo-publiko— muli't muling pinatunayan ng sambayanan: hindi kailanman matitinag ang diwang Pilipino. Sa patuloy na pag-arangkada ng administrasyon sa 2013, tiyak ang pagbuhos ng mas marami pang dahilan upang, sa pagtitimon ni Pangulong Aquino, ay manatili sa pagtahak sa tuwid na landas ng mga reporma't katapatan ang mga Pilipino."


-FRJ, GMA News
Go to comments



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus