ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kaso ng suspindidong Cebu Gov. Garcia, hindi raw 'proxy war' nina Binay at Roxas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nananatili pa rin sa kapitolyo ng Cebu ang suspindidong gobernador na si Gwendolyn Garcia. Kasabay nito, binatikos ni Vice Governor Agnes Magpale ang mga nagpapalabas umano na "proxy war" nina Vice President Jejomar Binat at Interior and Local Government Secretary Mar Roxas ang nasabing usapin. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Martes, sinabing sa kapitolyo sinalubong ni Garcia ang 2013. Ito'y sa kabila ng babala ni Police Regional Office (PRO) 7 Chief Superintendent Marcelo Garbo, na dapat lisanin na ng gobernadora ang kapitolyo. Ayon kay Garbo, mapipilitan silang gumamit ng puwersa laban sa suspindidong gobernadora para ganap na maipatupad ang kautusan ng DILG na pinamumunuan ni Roxas. Dalawang linggo na ang nakalilipas nang isilbi kay Garcia ang six months suspension order ng DILG bunga ng reklamong administratibo na inihain noong 2010 ng dating bise gobernador ng Cebu. Dahil sa pananatili ni Garcia sa kapitolyo, hindi doon makapag-opisina ang itinalagang OIC governor ng DILG na si Magpale. Sinabi sa ulat ng Balita Pilipinas na binisita ni Cebu Archbishop Jose Palma nitong Lunes ng gabi si Garcia sa kapitolyo. Gayunpaman, hindi naisapubliko kung ano ang nagpag-usapan ng dalawa. Sa isang pahayag nitong Lunes, sinabi ni Magpale na paiiralin pa rin ang "maximum tolerance" sa sitwasyon ngayon sa kapitolyo kung saan nandoon din ang ilang tagasuporta ng gobernadora. Pero paalala ni Magpale, may kaakibat na responsibilidad ang mapayapang pagtitipon. Ikinalungkot din umano nito ang pagsasamantala ng ilang grupo para maisulong ang kanilang personal na interes sa pulitika. "It is mob rule that these groups are trying to espouse which sadly does not reflect the sentiments of majority of the peace loving and law abiding populace of the province of Cebu," anang bise gobernadora. Dagdag pa ng opisyal, ginagamit ng tagasuporta ni Garcia ang alyansa nito sa United Nationalists Alliance (UNA) na pinamumunuan nina VP Binay at dating Pangulong Joseph Estrada; at sa mga natitirang kaalyado ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, para hikayatin umano ang publiko na makiisa sa protesta laban sa suspension order na inaprubahan ng Office of the President. "This is not a proxy war between VP Binay and Sec. Mar Roxas as some quarters may want to make it appear -- this is President Aquino's fight against corruption," pagdiin ni Magpale. Tinalo ni Binay si Roxas sa nakaraang 2010 vice presidential election. Nakabinbin naman sa Presidential Electoral Tribunal (PET) ang protestang inihain ni Roxas laban sa panalo ni Binay. - FRJ, GMA News