Bilang ng nadisgrasya sa pagsalubong sa Bagong Taon, umabot na sa 697
Umakyat na sa 697 ang bilang ng mga nadisgrasya sa mga paputok at ligaw na bala simula noong ikaa-21 ng Disyembre noong nakaraang taon, ayon sa Department of Health. Ayon kay National Epidemiology Center head Dr. Enrique Tayag, batay sa update alas-6 ng umaga nitong Miyerkules, pumatak na sa 697 ang mga nadisgrasya — 29 porsyento na mas mababa kumpara sa datos sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. "As of 6 a.m. Jan. 2, the total firework-related injuries reached 697 versus 984 last year or 29-percent reduction," ani Tayag sa kanyang Twitter account. Sa kabuuang bilang, 675 ang dahil sa fireworks, ang 20 dahil sa ligaw na bala, at dalawa ang kaso ng pagkalunok ng fireworks, dagdag pa ni Tayag. Noong Martes, ayon kay Tayag, nakapagtala ang kanyang tanggapan ng 413 revelry-related injuries, kung saan 404 ang dahil sa fireworks, habang walo sa mga ito ay sanhi ng stray bullets, at isa sanhi ng firework ingestion. Matagal nang nagbabala ang DOH laban sa paggamit ng paputok sa pagsalubong sa Bagong Taon, dahil sa nakasasamang epekto nito sa kalusugan at sa kalikasan. Sinabi ni DOH Secretary Enrique Ona na balak niyang kausapin ang mga kinauukulan, kabilang na ang mga awtoridad at firecracker manufacturers, upang mapagplanuhan kung papaano mababawasan ang mga madedisgrasya dahil sa mga paputok. Isa umano sa naiisip niya ay ang pagbabawal sa pagbenta ng mga paputok sa mga bata, na kadalasan ay nabibiktima. — LBG, GMA News